Hindi ikinabahala ng mga flower vendors sa lungsod ng Legazpi ang matumal pang bentahan ng mga bulaklak ngayon dahil inaasahan nila na dadagsa ang mga mamimili bago dumating ang Araw ng mga Puso. (PIA5/Albay)
LEGAZPI, ALBAY – Nasa pangalawang araw pa lamang ng Pebrero subalit domoble na ang pagtaas ng presyo ng ilang mga bulaklak sa Legazpi City Public Market.
Mula sa P500 kada kumpol ng rosas, nasa P1,000 na ito at inaasahan pang aabot sa P1,500 – P2,000 ang presyo nito sa araw ng mga puso. Nasa P150 ang bawat piraso ng rosas.
“Simula pa lamang ang ganitong presyo at sa tingin ko nire-reserve nila ang kanilang pambili sa mismong araw ng mga puso. Kung mahal na sa amin, mas mahal pa sa mga online seller dahil kami ang nagsu-supply sa kanila,” ayon kay Myrna Ilagan, Flower Vendor Association of Legazpi City secretary.
Taas presyo rin ang ibang bulaklak tulad ng Paper Roses, China Rose, Carnation, at Sunflower. Wala namang gaanong paggalaw sa presyo ng Malaysian Mums at iba pang bulaklak na karaniwang ginagamit para sa burial ceremonies.
Aniya, seasonal lamang ang pagtaas ng presyo. Kadalasan tuwing Pebrero, Holy Week, Mother’s Day, at Teacher’s Day nagmamahal ang mga bulaklak. Tuwing Undas, rosas lamang ang hindi nagtataas ng presyo.
Bagama’t kasalukuyang matumal pa ang bentahan, hindi ito ikinabahala ni Ilagan dahil inaasahan niya pa rin ang pagdagsa ng mga mamimili bago sumapit ang Araw ng mga Puso.
Inaasahan niya rin ang kompetisyon sa kanilang mga vendors at online sellers sa mismong araw ng mga puso.
Ayon naman kay Margie Sebastian, Flower Vendor Association of Legazpi City Secretary, Valentines season at malamig na panahon sa Baguio City ang dahilan ng pagtaas ng presyo.
“Malamig ang klima sa Baguio kaya ang mga rosas ay hindi masyadong namulaklak kaya kulang din ang supply. Dahil diyan, asahan ang pagtaas ng presyo, ” pahayag niya.
Domoble na ang presyo ng mga rosas sa Legazpi City Public Market bagaman’t nasa unang linggo pa lamang ng Pebrero. Dahilan nito ang inaasahang pagtaas ng demand ngayong Pebrero at ang nagpapatuloy na malamig na panahon sa Baguio City na siyang pangunahing pinagkukunan ng mga suppliers.
Bagaman’t mataas ang presyo, tiwala pa rin si Sebastian na hindi sila malulugi dahil napapanahon ang pagbili ng mga bulaklak.
“Hindi pa naman kami nalulugi dahil kaunti lamang ang mga natitira at maari pa itong ibenta kinaumagahan. Kahit tumatawad ang mga mamimili naming estuyante, may kaunti pa rin naman kaming nakukuha,” dagdag niya. (/PIA5/Albay/With report from Cristine Bobiles, BU intern)