LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Nakipagtuwang ang Police Regional Office (PRO) Mimaropa sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) upang mamahagi ng mga pagkain sa mga apektado ng oil spill sa bayan ng Naujan noong Hunyo 19.
Pinangunahan ng Regional Community Affairs and Development Division (RCADD) ng PRO Mimaropa ang naturang gawain sa Mena Valencia Gymnasium sa Brgy. Poblacion 1.
Layunin ng gawain na mabigyan ng tulong ang mga pamilyang apektado ng oil spill na ilang buwang naapektuhan dahil na rin sa kakulangan ng hanapbuhay at tubig na magagamit sa pang araw-araw na pamumuhay.
Ayon sa mensahe ni PRO Mimaropa Regional Director PBGEN Joel B. Doria, ang hanay ng mga pulis ay nakahandang makipag-ugnayan sa iba’t-ibang mga ahensiya at organisasyon upang matulungan ang mga mamamayan sa panahon ng pangangailangan.
Dagdag pa ni Doria, ang mga ganitong uri ng gawain ay naka linya sa 5-focused agenda ni 295th Chief, PNP, PGEN Benjamin Acordia, Jr. partikular sa pakikipagtuwang sa mga komunidad.
Pasasalamat din ang ipinaabot nito sa pamunuan ng PAGCOR na walang alinlangan na tumugon sa kanilang kahilingan. (JJGS/PIA Mimaropa-OrMin)
Kasama din ng PRO Mimaropa at PAGCOR ang mga opisyal ng bayan ng Naujan sa pangunguna ni Mayor Henry Joel Teves sa isinagawang pamamahagi ng pagkain sa mga apektado ng oil spill sa bayan ng Naujan. (Larawan mula PRO Mimaropa)