Produksyon ng kape sa Quezon, palalakasin ng Guinayangan Coffee Processing Center

GUINAYANGAN, Quezon (PIA) — Mapakinabanagan na ngayon ang Guinayangan Coffee Processing Center sa Barangay Calimpak sa bayang ito matapos ang ginawang pagpapasinaya at turn-over ceremony ng proyekto noong Hulyo 8.

Pinangunahan ni  Gov.  Doktora Helen Tan kasama sina 4th District Congressman Atorni Mike Tan, Bokal Harold Butardo, Provincial Agriculturist Dr. Liza Mariano at dating mayor Cesar Isaac III ang blessing  at turn-over ng naturang pasilidad.

Ang naturang coffee processing center na may kasamang equipment at service vehicle ay nagkakahalaga ng P7-milyong piso na proyekto mula sa Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng Philippine Rural Development Project (PRDP).

Sa pamamagitan ng bagong pasilidad, mapapabilis na ang proseso ng paggawa ng kape mula sa beans, roasting, grinding at magiging maayos ang pag-iimbak ng mga aning kape upang mas lalo pang mapapataas ang kalidad ng produkto at maging competitive sa merkado.

Isang katuparan ng sampung taong pangarap para sa mga miyembro ng Guinayangan Coffee Growers Association and Farm Entrepreneurs (GCAFE) ang pagkakaroon ng Guinayangan Coffee Processing Center.

Ayon kay Governor Tan, sa layuning matulungan ang mga coffee growers at coffee makers sa lalawigan ng Quezon ay pinaplano ng pamahalaang panlalawigan sa tulong ng sangguniang panlalawigan na magpasa ng ordinansa na lahat ng coffee shops o kahit anong business establishment na nag-o-offer ng kape o tsokolate ay kailangang gumamit ng mga produce ng mga coffee growers at coffee makers sa Quezon.

“Umaasa  po ako na sa tulong ng naturang pasilidad ay mas lalaki pa ang produksyon ng kape sa bayan ng Guinayangan at maiangat ang kabuhayan ng mga miyembro ng samahan”, sabi pa ng gobernador

Siniguro din ni Tan na ang pamahalaang panlalawigan ay palaging katuwang sa pagpapaunlad ng kabuhayan sa buong lalawigan ng Quezon. (RMO, PIA QUEZON)

In other News
Skip to content