Programa ng DPWH, inilahad sa ika-25 anibersaryo ng SMDEO

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Sa temang ‘Hobby to Serve,’ ipinagdiwang kamakailan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Southern Mindoro District Engineering Office (SMDEO) ang ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng tanggapan sa bayan ng Roxas na kung saan inilahad ni District Engr. Annielyn Padullo ang mga nakalaang programa para sa taong ito.

Sinabi ni Padullo sa kanyang mensahe, “Ang aming ginagawa ay hindi lamang trabaho, kundi masaya naming pinaglilingkuran ang mamamayan bilang libangan kaya nga ang aming tema ay ‘Hobby to Serve.’ Katuwang namin dito ang mga partner agencies mula sa pamahalaan at stakeholders, at tulong-tulong din kami para magawa lahat ang mga proyekto at programa ng pamahalaan ng tama.”

Dagdag pa ni Padullo, sa 25 taon ng tanggapan ay naipakongkreto at naipagawa ang nasa humigi’t-kumulang kalahati ng mga pangunahing kalsada sa ikalawang distrito kabilang ang Mindoro Occidental East Coastal Road sa Bulalacao at ang Bongabong-Sagana-Roxas-San Aquilino Rd. (BSRSR) na siya nilang ipinagmamalaki.

Ngunit ang pinaka tampok sa kanila anyang mga proyekto ay ang clearing of obstructions sa mga National Road upang maging ligtas sa mga motorista ang kanilang dadaanan at ang pagpapagawa ng mga paalalang pangkaligtasan na kanilang itinatayo sa tabing kalsada.

Naka programa na rin ang paglalagay ng mga solar street light sa mga lugar na kailangan mailawan, pagtatanim ng mga kawayan at bakawan, at ang pagsasagawa ng mga seminar tungkol sa Violence Against Women and Children (VAWC) sa mga barangay.

Samantala, kanila pa rin pagtutuunan ng pansin ang mandato ng DPWH na pagpapalawak ng mga pangunahing kalsada at tulay, at mga flood control projects upang mas lalo pang maabot ang mga pangangailangan ng komunidad. (DN/PIA-OrMin)

In other News
Skip to content