Programang ‘Lawyers to the Benepisyaryo,’ sagot ng DAR sa usaping may kaugnayan sa agraryo

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — “Lawyers to the Benepisyaryo” ang isa sa programa ng Department of Agrarian Reform (DAR) MIMAROPA region para matulungan ang mga benepisyaryo na may mga problema sa unsapan pang-agraryo.

Sa ginanap na Kapihan sa Bagong Pilipinas sa lungsod ng Calapan noong Hunyo 25, sinabi ni DAR MIMAROPA Regional Director Marvin V. Bernal na sa pamamagitan ng programang ito, tinutugunan ang mga problema sa pamamagitan ng mga abogadong sanay humawak sa mga usaping may kaugnayan sa agraryo o lupaing pinanatilihan.

Pinangunahan ni Atty. Tomasitoe B. Lasquite, Chief Legal Officer ng DAR Oriental Mindoro, ang pagbibigay ng mga payong legal sa mga tenante at magsasakang Mindoreño ang naturang programa, kung saan nasa 150 Mindoreño ang dumulog para samantalahin ang libreng pagkakataon kasabay ng aktibidad na Kapihan sa Bagong Pilipinas ng Presidential Communications Office sa pamamagitan nga Philiippine Information Agency-MIMAROPA.

Ilan sa mga usaping idinulog ay ang boundary dispute at ang mapayapang pananatili ng mga tauhan sa lupang kinatatayuan.

Nasa 122 indibidwal ang nagkonsulta sa pamamagitan ng programa mula sa mga bayan ng Baco, Calapan, Naujan at Bansud, samantala nasa 27 mga katutubong Mangyan mula naman sa bayan ng Baco.

Nagsimula ang programang “Lawyers to the Benepisyaryo” noong panahon ni dating DAR regional director  Zoraida O. Macadindang nang ito ay ma-institutionalize ni Bernal bilang pangunahing programa.

Ito ang naging tugon ng ahensya sa lumalawak na usapin sa pagitan ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na nangangailangan ng tulong legal na idinulot pa rin ng paghihigpit noong panahon ng pandemya.

Bitbit pa rin ng nasabing programa ang mandato ng Agrarian Legal Services ang pagbibigay ng libreng tulong na legal sa mga ARBs at mga kliyenteng nagmamay-ari ng lupa, ngunit sa pagkakataong ito, ang DAR legal team naman ang siyang lalapit at tutulong sa mga ARBs. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)

In other News
Skip to content