Project LUKAS, ipinatutupad ng Quezon PNP

LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Ipinatutupad ngayon ng Quezon Police Provincial Office ang proyektong “Project LUKAS”  (Labanan, Umaksyon, Kausapin ang buong Pamilya, Abusadong Rapist, Sama-samang Pigilin”) na layong magbigay-kaalaman upang makaiwas sa kaso ng rape.

Sa programang “PinoyCooltura with PIA-Quezon” sa Radyo Pilipinas Lucena, sinabi ni PMAJ Elizabeth Capistrano ng QPPO na sa ilalim ng proyekto, nagbabahay-bahay ang mahigit 630 na Pulis sa Barangay o PSB upang ibahagi sa mga pamilya ang iba’t ibang kaalaman tungkol sa pag-iwas sa rape, mga aktong maituturing na pang-aabusong sekswal, mga parusa sa mga nagkasala, at iba pa.

“Project LUKAS aims to address and prevent the occurrence of rape incidence in Calabarzon. Ang insidente pong ito [rape] ay kadalasang nangyayari very discreetly, sa loob ng bahay… Minsan may mga insidente po kung saan ang perpetrator ay kamag-anak pa,” ani PMAJ Capistrano.

Kabilang din sa tungkulin ng PSB ang i-assess kung ligtas ang tahanan, lalo na para sa mga babae at bata, laban sa pang-aabuso, tulad ng kung may dibisyon ang bahay at kung may privacy rito.

“Sa bawat police station po, mayroon tayong Pulis sa Barangay kung saan ang isang pulis po, may kailangang alagaang barangay. Kailangang lagi niyang kausap ang mga barangay official, open ang communication, ang atin pong Pulis sa Barangay ay pupunta, house-to-house visit po ito. Ang gagawin po ng ating Kapulisan, may dala po s’yang laptop, i-o-orient po n’ya, i-e-educate po n’ya ang pamilya tungkol po sa kasong rape.”dagdag ni MAJ. Capistrano.

Batay sa huling tala ng QPPO, mahigit 62,900 na ang bahay na nabisita sa buong lalawigan bilang bahagi ng proyekto.

Ayon kay Major Capistrano, ang Project LUKAS na inisyatiba ni PNP Calabarzon Regional Director PBGEN Paul Kenneth Lucas, ay naglalayong gawing zero-rape case ang lalawigan, gayundin ang buong Calabarzon. (RO/PIA-Quezon)

In other News
Skip to content