PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Nagpapatuloy ang mga proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa Palawan alinsunod sa Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992.
Ayon kay NHA-MIMAROPA Officer-In-Charge Maximo R. Cabasal, may mga on-going na konstruksiyon ng mga housing project at mayroon ding mga tapos na.
Ang mga on-going na housing project ng NHA sa Palawan ay ang 70 units na housing project sa Pag-asa Island sa bayan ng Kalayaan; ang dalawang magkatabing housing project sa Coron–ang Coron Heights at Coron Residences na tinatayang nasa 1,400 pamilya ang maaaring makinabang dito, at ang 265 units Safari Ville housing project sa bayan ng Busuanga.
Sa bayan ng Busuanga at Coron, noong taong 2018 pa sinimulan ang proyekto sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) ngunit naantala ito dahil sa nagkaroon ng problema sa titulo ng lupa ngunit isinasaayos na ito.
Mayroon na ring naka-package na housing program sa bayan ng Bataraza ngunit hindi pa ito napopondohan ng ahensiya, ayon kay Cabasal.
Samantala, natapos na ng NHA ang mga nauna nitong naipatayong housing project, at karamihan dito ay naipamahagi na sa mga benepisyaryo.

Ilan sa mga ito ay ang 36 units na housing projects para sa mga katutubo sa bayan ng Brooke’s Point gayundin ang 60 units sa Brgy. Ipilan sa bayan pa rin ng Brooke’s Point.
Mayroon ding 42 units ng housing project ang naipamahagi na sa Brgy. Teresita sa bayan ng Dumaran.
Natapos na rin ang 433 units housing project sa bayan ng Culion sa ilalim ng YPHP, kung saan karamihan sa mga ito ay naipamahagi na sa mga benepisyaryo na biktima ng bagyong Yolanda noong 2013.
Maliban sa programang pabahay ay mayroon ding ibinibigay na tulong pinansiyal ang NHA sa mga biktima ng kalamidad para sa pagsasaayos ng kanilang mga nasirang bahay.
Ayon kay Cabasal, nasa 14,000 pamilya sa Puerto Princesa at mahigit 300 sa Palawan ang nabigyan ng tulong pinansiyal sa mga naging biktima ng bagyong Odette noong 2021. Nasa P10,000.00 kada pamilya ang ibinigay na tulong pinansiyal ng NHA sa mga benepisyaryo. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan/Mga larawan galing sa NHA MIMAROPA)