LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Hinihikayat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mga may-ari ng micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa rehiyon ng Calabarzon na makilahok sa mga mahahalagang survey ng ahensya ngayong taon.
Kabilang dito ang 2024 Annual Survey of Philippine Business and Industry (ASPBI) at 2024 Survey on Information and Communications Technology (SICT).
Sa panayam sa programang PIA Ngayon, sinabi ni Silver Quiatchon, senior statistical specialist ng PSA Calabarzon, na layunin ng mga survey na makakalap ng datos na mahalaga para sa pagsusuri at pagpaplano ng ekonomiya ng rehiyon.
Aniya, ang disenyo ng mga survey ay nakatuon sa pagkuha ng impormasyon kaugnay ng lebel, estruktura, performance, at trend ng mga economic activities sa bansa.
Kabilang sa mga datos na kinokolekta sa ASPBI ang mga impormasyon hinggil sa pagtatrabaho, kita, gastos, imbentaryo, tangible fixed assets, intangible assets, at kabuuang asset ng mga establisimyento. Kalakip din dito ang pagkolekta ng iba pang economic indicators tulad ng value added, average compensation, at iba pa, na mahalaga para sa pagsusuri sa antas ng industriya sa pambansa at rehiyonal na antas.
Layunin din ng survey na mangalap ng datos mula sa mga MSMEs, partikular sa bilang ng mga may trabaho, upang magamit sa pag-update ng sampling frame ng establishment-based surveys.
Ang resulta ng mga survey ay gagamitin sa pagbuo ng national at regional income accounts ng Pilipinas, pagsasaayos ng mga plano at polisiya upang makamit ang mga pambansa at rehiyonal na layunin sa ekonomiya, pagsusuri ng economic performance ng MSMEs, at pagsasagawa ng market research, feasibility studies, at updating ng sampling frame para sa iba pang establishment-based surveys.
Para matiyak ang kaakmaan ng employment data, pagbabasehan ng survey ang mga impormasyong makakalap hanggang Nobyembre 15, 2024, alinsunod sa mga natukoy na business practices kung saan mas madali para sa mga establisimyento na makapagbigay ng employment figures sa ikalawang buwan ng huling quarter ng taon.
Kasabay ng ASPBI, isinasagawa rin ang Survey on Information and Communications Technology (SICT) tuwing dalawang taon simula 2013. Layunin ng SICT na mangalap ng datos ukol sa paggamit ng ICT equipment, internet access, pagkakaroon ng web presence, kita mula sa e-commerce transactions, paggamit ng cellular mobile phones, at pamamaraan ng disposal ng ICT equipment sa mga establisimyento.
Ayon kay Quiatchon, bagama’t may mga establisimyento na isang survey lamang ang kinabibilangan, marami pa rin ang kalahok sa parehong ASPBI at SICT ngayong taon. (MPDC, PIA Batangas)