PSA : GRDP sa Mimaropa, umakyat sa 6.3% noong 2022

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Mula sa 3.3 porsyento noong 2021 ay unti-unting umaakyat sa 6.3 porsyento ang Gross Regional Domestic Product (GRDP) sa Mimaropa noong 2022.

Ito ang ulat ni Philippine Statistics Authority Regional Director Leni R. Rioflorido sa isinagawang “2022 Report on the Economic Performance, Mimaropa Region News Conference sa ginanap sa Convention Hall ng Filipiniana Hotel and Resort Complex dito sa lungsod, Abril 27.

Ayon kay Rioflorido, noong 2020 (panahon ng pandemic) ay nakapag-ambag ang rehiyon ng P357.8 bilyon sa ekonomiya at pumalo pa ito sa P369.7 bilyon noong 2021 o umangat ng 3.3 porsyento, at noong 2022 ay nakapagtala naman ng P393.0 bilyon o pag-akyat ng 6.3 porsyento.

Mabilis lumago dito ang nasa transportasyon mula -6.2 noong 2020-2021 ay tumaas ito sa positibong 41.3 porsyento noong 2021-2022, accommodation and food services mula 1.9 (2020-2021) naging 38.2 porsyento (2021-2022) at konstruksiyon mula 13.3 porsyento (2020-2021) ay tumaas ito ng 13.5 porsyento (2021-2022).

Samantala, bumagal naman ang ekonomiya sa larangan ng pagmimina at quarrying, kung saan ay naitala noong 2020-2021 na nasa -10.5 porsyento ay bumaba pa ito sa -5.1 porsyento noong 2021-2022; pati sa larangan ng agrikultura, forestry at pangisdaan na una ay nasa 5.2 porsyento (2020-2021) at bumagsak ito sa negatibo 2.4 porsyento (2021-2022); at ang paggalaw ng pinansiyal at kasiguruhan, mula 3.0 porsyento (2020-2021) ay bumaba pa ito sa 2.5 porsyento.

Ayon pa kay Rioflorido, ang serbisyo ang may pinaka-malaking ambag na may 47.9 porsyento, na sinundan ng industriya na nakapagbahagi ng 34.1 porsyento at ang larangan ng agrikultura, forestry at pangingisda ay nakapagtala ng 18.0 porsyento.

Sa 7.6 porsyentong paglago ng ekonomiya sa bansa noong 2022, ang rehiyon ng Mimaropa ay isa sa mga nakapagbahagi ng 0.1 porsyentong punto na kung saan ito rin ang dahilan sa pagkakabahagi ng 2.0 porsyento sa National GDP.

Dumalo sa nasabing aktibidad ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan na nagambag sa paglago ng ekonomiya ng rehiyon pati ang mga nangasiwa sa pangangalap ng mga datos at istatistiko at mga mamamahayag mula sa radyo, telebisyon at pahayagan. (DN/PIAMimaropa-OrMin)


Isinagawa ang 2022 Report on the Economic Performance, Mimaropa Region, News Conference na pinangunahan ng Philippine Statistics Authority na siya din nag-ulat ng naging sitwasyon ng ekonomiya sa rehiyong Mimaropa noong 2022 na isinagawa sa lungsod ng Calapan. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIAMimaropa-OrMin)

In other News
Skip to content