PSA: Romblon inflation bumagal sa 3.5% noong 2022

ODIONGAN, Romblon (PIA) — Bumaba sa 3.5% ang inflation rate ng buong probinsya ng Romblon nitong nakaraang taon kumpara sa 7.4% noong taong 2021, batay sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority.

Ayon kay Chief Statistical Specialist Engr. Johnny Solis, ang pagbagal ng inflation rate nitong nakaraang taon ay dahil sa dati nang matataas na presyo ng produkto at serbisyo sa lalawigan.

Aniya, sa monthly inflation rate mula 6.5% ng January 2022, bumagsak sa 3.3% ang inflation rate ng probinsya noong huling buwan ng 2022.

Nakaapekto rito ang mabagal na pagtaas ng presyo ng mga food and non-alcoholic beverages na nagtala lamang ng 3.5% kumpara sa 4.3% noong Nobyembre; restaurant and accomodation services na nagtala ng 2.3% kumpara sa 3% noong Nobyembre; at housing, water, electricity, gas, and other fuels na nakapagtala ng 1.5% inflation rate kumpara sa 1.5% noong Nobyembre.

Nakatulong rin sa pagbagal ng pagataas ng inflation sa probinsya ang pagbagal na pagtaas ng Information and Communication na bumaba sa 0.7% noong December mula sa 1% noong Nobyembre; at Recreation, Sports and Culture na bumaba ng 1.9% mula sa 2%.

Ibinahagi rin ni Engr. Solis sa ginanap na press conference ng Philippine Statistics Authority-Romblon nitong Lunes na ang consumer price index noong December 2022 sa probinsya ay P120.5 na. Paliwanag ni Engr. Solis na kung ang isang produkto umano noong 2018 ay mabibili lamang sa P100.00 ngayon ay mabibili na siya sa halagang P120.5. Ang halaga rin aniya ng piso ngayon kumpara noong taong 2018 ay mas mababa na ng 0.17 pesos.

Bagama’t ramdam ng publiko ang pagmahal ng mga bilihin, paliwanag ni Engr. Solis, pasok pa umano ang sukatang ito ng bilis ng pagtaas ng presyong ng produkto at serbisyo sa kanilang inaasahan para sa taong 2022. (PJF/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content