LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sina Philippine Sports Commission (PCS) chairman Richard Bachmann at Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron para sa pagsasagawa ng Batang Pinoy sa lungsod.
Naganap ang paglagda nito lamang Oktubre 24 sa City Hall, kung saan ito ang hudyat ng pagiging punong abala ng lungsod sa gaganaping Batang Pinoy sa Nobyembre 23 hanggang Nobyembre 28, 2024.
Sa paliwanag ni Bachmann, ang Batang Pinoy ay magtatampok ng 30 iba’t ibang laro, kung saan nasa 11,600 atleta na mula sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa bansa ang kumpirmadong lalahok.
Ipinaliwanag din ni Bachmann na ang pangunahing layunin ng Batang Pinoy ay para sa National Sports Association (NSA) na makapag-scout ng mga atleta na posibleng isama sa pambansang koponan ayon sa kani-kanilang langaran.

Binigyang-diin naman ni Batang Pinoy co-project lead Evan Regodon na hindi tulad ng mga sports activities na inorganisa ng Department of Education, mas malawak ang kabilang sa Batang Pinoy dahil kasali rito ang mga out-of-school youth at ito ay LGU-based.
Ang mga kalahok ngayong Batang Pinoy ay mga atletang nag-e-edad 12 hanggang 17 taong gulang.
Pinuri naman ni Bachmann ang pasilidad ng lungsod na kung mapanatiling maayos ay maaari itong maging regional training center para sa national athletes.
“You do have beautiful facilities and if you continue to maintain your facilities baka pwedeng itong maging regional training centers for our national athletes,” pahayag ni Bachmann.
Makakatanggap naman ng insentibo ang mga papasok sa top 5 na mga LGU. Tatanggap ng P5 milyong ang magiging overall champion at P4 milyon ang 1st runner up, P3 milyon ang 2nd runner up, P2 milyon ang 3rd runner up at P1 milyon naman ang 4th runner up. Samantala, medalya naman ang matatanggap ng mga magwawaging mga atleta.
Unang naganap ang Batang Pinoy sa Puerto Princesa noon pang 2019.
Ilan naman sa mga sports event na naisagawa na ng PSC sa lungsod ay ang Laro’t Saya at IP Tribal Games. PSC rin ang magdadala ng BIMP-EAGA Friendship Games sa lungsod na magaganap sa Disyembre 2024. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)