PSFI at DOH, nagbigay ng Mobile Health and Wellness Services CaraVan sa Palawan
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Isang Mobile Health and Wellness Services (MHWS) CaraVan ang ibinigay ng Pilipinas Shell Foundation, Incorporated (PSFI) katuwang ang Department of Health (DOH) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan nitong Pebrero 14, 2023.
Ang ceremonial turn over, launching at Memorandum of Agreement (MOA) signing nito na ginanap sa bayan ng El Nido ay pinangunahan nina Department of Health (DOH) Undersecretary Dr. Nestor F. Santiago, Jr. at Ray U. Angluben, Director for Global Fund and TPAP Programs ng PSFI.
Ito ay sa ilalim ng programang Philippines Response in Optimizing Testing, Empowered Communities, Treatment and Sustainability o PROTECTS.
Ang PROTECTS ay magkatuwang na itinataguyod ng PSFI at DOH-Center for Health Development (CHD)-MIMAROPA bilang karagdagang suporta sa lalawigan ng Palawan sa pagpapaabot ng serbisyong medikal sa mga mamamayan.
Ayon kay Angluben, layunin ng MHWS Van na mailapit at mapagbuti ang health delivery services ng pamahalaan sa mga mamamayan.
Sinabi rin nito na hindi lamang HIV Services ang maaaring ma-avail sa CaraVan kundi maging ang integrated health delivery services.
Binigyang diin naman ni Usec. Santiago, Jr. na patuloy ang suportang ginagawa ng DOH sa mga aktibidad ng bawat LGU na makatutulong sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong medikal para sa mga mamamayan kasama na ang HIV-AIDS, TB, nutrisyon at lahat ng programa ng LGU.
Hinikayat naman nina Angluben at Dr. Santiago, Jr. ang publiko na magpasuri upang malaman ang estado ng kalusugan ng bawat isa.
Ani Angluben, ang pag-test at pag-treat ang isa sa pinakamabisa sa pagcontrol ng pagkalat ng HIV gayundin ang tamang awareness at health education patungkol dito.
Dagdag pa ni Dr. Santiago, Jr. na huwag matakot magpagtest dahil ito ay isa sa paraan upang mawakasan ang sakit na HIV sa lalawigan.
Kasama rin sa nasabing aktibidad sina Provincial Health Officer Dra. Faye Erika Q. Labrador, Office of the Governor Executive Asst. IV Ma. Elizabeth Sabando bilang kinatawan ni Gov. Victorino Dennis Socrates, Infectious Disease Cluster Head Dra. Christy Andaya at Chief-Local Health Support Division Dra. Maria Teresa G. Castillo na kapwa mula sa Center for Health Development (CHD) MIMAROPA, at El Nido Municipal Mayor Edna G. Lim. (OCJ/PIA-MIMAROPA Palawan)
Binigyan ng isang Mobile Health and Wellness Services (MHWS) CaraVan ng Pilipinas Shell Foundation, Incorporated (PSFI) at ng Department of Health (DOH) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan nitong Pebrero 14, 2023. (Larawansa itaas at ibaba ay mula sa PIO-Palawan)