
LUNGSOD QUEZON, (PIA) –Pormal ng inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) Communications and Commuter Affairs Office (CCAO) ang Public Assistance and Action Complaints Desk (PACD) sa Columbia Tower, Mandaluyong City, ngayon Huwebes, Agosto 10, 2023.
Layunin ng PACD na mas mailapit ang serbisyo publiko alinsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Jaime Bautista na patuloy na isulong ang honesty, integrity at transparency sa ahensya.
Sa pangunguna ni DOTr Assistant Secretary for Communications and Commuter Affairs Hector A. Villacorta, pinasinayaan ang PACD kung saan maaaring pumunta at mag-walk in para sa mga commuter-related concerns at iba pang transport issues, mula Lunes hanggang Biyernes maliban sa Holiday, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Matatandaang inilunsad din ng DOTr ang Commuter Hotline (0920 – 964 – 3687), noong ika-5 ng Hulyo 2023, para sumagot sa mga hinaing ng mga commuter.
Umabot na sa 122 na mga mensahe at tawag ang natanggap sa commuter hotline mula ika-5 ng Hulyo hanggang ika-9 ng Agosto 2023. (dotr/pia-ncr)