LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — May internet connectivity na sa pamamagitan ng Free WiFi For All Program ang 23 munisipyo sa Palawan maging ang Lungsod ng Puerto Princesa. Ayon ito kay Department of Information and Communications Technology (DICT)-Palawan Provincial Officer Virgo Pinangay.
“When it comes to municipalities, 100 percent na po, mayroon na tayong free WiFi for all sa mga municipalities, and including na rin po diyan ‘yong Puerto Princesa City. Sa 24 LGUs is available na po yong ating free WiFi For All Program. Number one na priority talaga ng free WiFi For All Program is i-connect yong mga nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA),” pahayag ni Pinangay.
Ayon pa sa kanya, inilagay ang mga ito sa mga municipal hall, barangay hall, mga paaralan at maging sa mga ospital upang magamit ng publiko.

May mga Free WiFi for All equipment naman na dumating sa Palawan kamakailan.
Ayon naman kay Engr. Jeanette Ripalda, Engineer II ng Free WiFi For All program, na ang mga ito ay ipapalit sa mga lumang Free WiFi For All equipment sa mga islang munisipyo sa lalawigan tulad ng Agutaya, Balabac, Busuanga, Cagayancillo, Coron, Culion, Dumaran, Linapacan and Magsaysay. Gagawin nila ang pagre-restore at pagpapalit bago matapos ang taong 2024.

Kasama din ang Pag-asa Island sa West Philippine Sea (WPS) na mabibigyan ng karagdagang Free WiFi Technology sa taong 2025, dagdag ni Ripadla. Karagdagan aniya ito sa dati ng internet connectivity sa isla.
Inaasahan namang maibabalik na ang internet connection ng nasa 115 WiFi In Tourist Spots (WITS) sa unang kwarter ng taong 2025 na nag-expire ang service contract noon pang Hulyo 2024. Na-aprubahan na ang renewal ng service contract ng mga ito ayon kay Pinangay. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Larawang kuha: DICT-Palawan