PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Itinanghal na overall champion ang delegasyon ng Lungsod ng Puerto Princesa sa MIMAROPA Regional Athletic Association (MRAA) meet ngayon taon na isinagawa sa lungsod nitong Marso 11 hanggang 15.
Nakalikom ang Puerto Princesa City delegation ng kabuuang 262 na medalya, kung saan 121 dito ay mga gintong medalya, 77 ang pilak at 64 naman ang ta
Maging sa elementarya at sekondarya ay nanguna ang delegasyon ng lungsod. Sa elementarya ay nakakuha ito ng 41 na ginto, 25 na pilak at 18 na tanso, samantalang sa sekondarya naman ay nakakuha ito ng 80 na ginto, 52 na pilak at 46 na tanso.
Pumangalawa ang delegasyon ng Palawan na may 88 na gintong medalya, 86 na pilak at 87 na tanso. Nasa pangatlong puwesto naman ang delegasyon ng Oriental Mindoro na nakalikom ng 68 na gintong medalya, 70 na pilak at 69 na tanso.
Nasa pang-apat na puwesto naman ang delegasyon ng Occidental Mindoro, pang-lima ang Calapan City, pang-anim ang Marinduque at pang-pito ang Romblon.
Sa closing ceremony ng MRAA 2025 ay binigyan din ng pagkilala ang ibang delegasyon, tulad ng Best Billeting schools na nakuha ng Calapan City at Most Disciplined Delegation ang Oriental Mindoro.

Sa mensahe ni Puerto Princesa City mayor Lucilo R. Bayron ay sinabi nito na isang karangalan sa lungsod na maging host ng MRAA 2025. Binati din ng alkalde ang mga atletang nagwagi na ayon sa kaniya ay nagbigay ng karangalan sa buong MIMAROPA.
Pinasalamatan din ni Bayron ang lahat ng mga manlalaro, coaches, mga magulang at mga Schools Division Superintendent sa kanilang kahusayan sa pagtaguyod at pagsuporta ng nasabing palaro.
“Thank you for making this event a resounding success,” ayon pa sa alkalde.
Pinagkalooban naman ng Department of Education (DepEd)-MIAMROPA ng Plaque of Commendation si Bayron, City Sports Director Gregorio Austria at Puerto Princesa City OIC-Assistant Schools Superintendent Laida Lagar-Mascareñas sa matagumpay nitong pagiging punong abala ng MRAA 2025.
Agad namang magsisimula sa kanilang pag-i-ensayo ang mga na-qualify na mga manlalaro para maging kinatawan ng rehiyong MIMAROPA sa darating na Palarong Pambansa na magaganap sa Laoag City, Ilocos Norte. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan/Photos from City Information Office and DepEd-Puerto Princesa)