Puerto Princesa, nakiisa sa paglulunsad ng Kadiwa ng Pangulo

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Nakikiisa ang lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan sa malawakang paglulunsad ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) 2023 noong Hulyo 17, 2023. Isinagawa ito sa Atrium ng New Green City Hall at Centennial Pavilion, Gusaling Kapitolyo.

Tampok dito ang mura at abo’t kayang halaga ng iba’t-ibang agricultural products ng mga magsasaka at mangingisda gaya ng mga sariwa at masustansiyang gulay, prutas, poultry products, nuts at dried products, mga lokal na produkto, bigas at groceries.

Ang aktibidad ay magkahiwalay na pinangunahan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) at ng City Agriculture Office ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa.

Katuwang ng OPA ang Palawan Tarabidan Multipurpose Cooperative, Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI) Palawan, National Food Authority (NFA), Department of Interior and Local Government (DILG) at NCCC Palawan.


Ang isinagawang Kadiwa ng Pangulo sa Atrium ng New Green City Hall sa Lungsod ng Puerto Princesa noong Hulyo 17, 2023 (Larawan mula sa Puerto Princesa City Information Office)

Samantala, katuwang naman ng City Agriculture Office ang Puerto Princesa City Fish Cages Operators Association mula sa Brgy. Tinguiban, Sitio Busngol Farmers Association ng Brgy. Sta.Lourdes, Emma Abelita na isang Mushroom Grower ng Brgy. Bagong Sikat, RIC KKK ng Brgy. Tagburos at Uma Y’ Pedro Organic Farm ni Rommel Gabinete ng Brgy. San Pedro.

Pinasalamatan naman nina Gobernador Victorino Dennis M. Socatres at Mayor Lucilo R. Bayron ang programang ito ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil matutulungan nito ang mga mamimiling Palaweño sa pamamagitan ng mura at abo’t kayang halaga ng mga produkto gayundin ang mga prodyusers, magsasaka at mangingisda na maibenta ang kanilang mga produkto sa tamang presyo.

Pinasalamatan din ni Mayor Bayron ang mga magsasaka na matiyagang nagtanim ng mga highland vegetable dahil ang mga gulay na dati ay sa Baguio lamang nagmumula, ngayon ay mayroon na sa lungsod at mabibili pa ito sa murang halaga.


Namimili ang isang lokal sa Kadiwa ng Pangulo sa Puerto Princesa City kung saan tampok dito ang mura at abo’t kayang halaga ng iba’t-ibang agricultural products ng mga magsasaka at mangingisda gaya ng mga sariwa at masustansiyang gulay, prutas, poultry products, nuts at dried products, mga lokal na produkto, bigas at groceries. (Larawan mula sa Puerto Princesa Information Office)

Inatasan naman ng Alkalde ang City Engineering Office na ayusin ang kalsada sa Sitio Busngol kung saan nanggagaling ang karamihang highland vegetables. Inanunsiyo din nitong maraming mga farm-to-market roads ang bubuksan upang mas mapadali ang pagdadala ng produkto sa bayan. Hiniling din nito sa mga magsasaka na palawakin ang mga taniman upang matugunan ang mga pangangailangan ng gulay sa lungsod. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)

Larawan sa itaas mula sa Palawan Provincial Inforamtion Office

In other News
Skip to content