LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Muling idineklarang Beyond Compliant Province at ginawaran ng Gawad KALASAG Seal of Excellence ang Lalawigan ng Quezon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa isinagawang 23rd Gawad KALASAG National Awarding Ceremony noong Disyembre 11, 2023 sa The Manila Hotel, Lungsod ng Maynila.
Ang parangal ay personal na tinanggap ni Quezon Governor Doktora Helen Tan, kasama sina Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Dr. Melchor Avenilla at Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) Sonia Leyson mula kina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. at Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro.
Ang Lalawigan ng Quezon ay nakakuha ng 2.50 rating sa Local Disaster Risk Reduction and Management Councils and Offices (LDRRMCOs) Category alinsunod sa Republic Act No. 10121 o Philippines Disaster Risk Reduction Management Act of 2010.
“This award only means that we exceeded the standards for the establishment and functionality of the LDRRMCOs,” saad ni Governor Tan sa kanyang opisyal na FB Page.
Samantala, hinirang naman na Fully Compliant Cities and Municipalities ang bayan ng Buenavista, Candelaria, General Luna, General Nakar, Guinayangan, Gumaca, Infanta, Lucban, Padre Burgos, Pitogo, Sariaya, Lungsod ng Tayabas at Lungsod ng Lucena.
Ayon sa Quezon Public Information Office, ang Gawad KALASAG (KAlamidad at sakuna LAbanan, SAriling Galing ang Kaligtasan) na ipinagkaloob ng NDRRMC ay ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan at grupo bilang pagkilala at parangal sa pagsusulong at pagpapatupad ng Disaster Risk Reduction and Management, Climate Change Adaptation (DRRM-CCA) at Humanitarian Assistance Programs. (Ruel Orinday/PIA-Quezon)