RDRRMC Calabarzon naka-alerto matapos ang phreatic activity ng Bulkang Taal

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Nananatili sa Alert Level 1 ang status ng Bulkang Taal matapos ang phreatomagmatic activity na nangyari dito nitong Miyerkules, Oktubre 2.

Sa isinagawang briefing ng Office of the Civil Defense Calabarzon, ipinaliwanag ni Taal Volcano Observatory OIC Jerome De Lima na bandang 4:21pm hanggang 4:32pm ay nagkaroon ng phreatomagmatic eruption ang Bulkang Taal.

Ayon kay De Lima, walang dapat ikabahala ang publiko lalo na ang mga nakatira sa malapit dito dahilan sa kasalukuyan ay hindi nila nakikita na ito ay magkakaroon ng malaking pagsabog ngunit patuloy ang kanilang ginagawang monitoring sa aktibidad nito.

Nananatiling nasa Alert Level 1 ang Bulkang Taal sapagkat batay sa mga parametrong kanilang tinitingnan ay hindi ito sapat upang ilagay sa mas mataas na alarma ang sitwasyon ng bulkan.

Nilinaw din ni De Lima ang naunang pahayag nila sa Facebook page ng Philvolcs kung saan binanggit ang kasalukuyang nangyayaring pagputok dahilan sa kanilang tinitingnan pa ang mga batayan upang malaman kung ano ang nangyaring pagbuga ng abo na nagdulot ng pangamba sa ilang mga residenteng nasa paligid nito.

Binigyang-diin din sa pagpupulong ang mga hakbangin ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan partikular ang mga nakapaligid sa bulkan gayundin ang kanilang mga kahandaan sakaling magkaroon ng mas matinding aktibidad ang Taal Volcano.

Ipinahayag ni Batangas PDRRM Officer Dr. Amor Calayan ang pagsiguro sa ipinatutupad na PAMB Resolution kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagtigil o pagtira sa bulkan. Nagpaalala din ito sa mga nakatira sa paligid na maging gawi ang pagdadala ng mask lalo na sa mga mag-aaral upang sakaling magkaroon muli ng pagbuga ng abo at maranasan ang amoy ng asupre o Vog ay mayroon silang pananggalang dito.

Nagpahayag naman ang Department of Social Welfare and Development Region IVA ng kanilang kahandaan sa mga food and non-food items gayundin sa deployment ng kanilang mga empleyado kung kinakailangan.

Ayon sa OCD IVA nananatiling nasa Blue Alert ang kanilang tanggapan kaugnay ng usapin ukol sa Bulkang Taal. (MPDC/PIA-Batangas)

In other News
Skip to content