Red Cross-La Union, naghatid ng serbisyong medikal sa bayan ng Bauang

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union (PIA) – Tumungo ang Philippine Red Cross (PRC)-La Union Chapter sa covered court ng Barangay Urayong sa bayan ng Bauang para mamigay ng serbisyong medikal at dental sa pamamagitan ng programa nitong Alagang Red Cross Health Caravan noong Nobyembre 30.

Sa pakikipagtulungan sa pamahalaang bayan ng Bauang, ang nasabing health caravan ay isa sa mga programa ng PRC na layuning mailapit ang mga serbisyong medikal sa malalayong lugar tungo sa adhikain na malusog at matatag na komunidad.

Ilan sa mga serbisyong inihanda sa naturang aktibidad ay medikal at dental consultations, pamimigay ng bitamina at medisina, free blood typing, at cholesterol test.

Bukod sa mga health services ay nagkaroon din ng safety services gaya ng awareness campaign tungkol sa risk and disaster management at welfare services na hatid ng Department of Education-La Union Schools Division Office (DepEd-LUSDO).

Pinasalamatan ni Bauang Mayor Eulogio Clarence Martin de Guzman III ang PRC-La Union at iba pang mga katuwang na ahensiya dahil sa patuloy na paggabay nila sa mga programa ng nasabing bayan.

Inabot naman ng mga benepisyaryo ang kanilang pasasalamat dahil sa oportunidad na ibinigay ng health caravan, lalong-lalo na sa mga senior citizens.

“Para kanyak, adu ti maitedna a pagsayaatan [daytoy nga aktibidad] especially dagitoy senior citizens nga adda rikriknaenna a kasla kanyak, a saan makaluganen. Aglalo dagitoy ag-commute nga awan ti luganda (para sa akin, marami nang maibibigay na benepisyo [ang aktibidad na ito] especially sa mga senior citizens na mayroong dinaramdam gaya ko. Iyong mga hindi na makasakay, lalo na sa mga nagko-commute na walang mga sariling sasakyan),” ani Julie Dumo, retiradong guro at residente ng nasabing barangay.

Katuwang rin ng PRC-La Union ang Provincial Government of La Union (PGLU), Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC), LORMA Medical Center, DepEd LUSDO, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Nurses Association (PNA), Rotary Club (RC) of San Fernando La Union Incorporated, at marami pang iba.

Ayon kay Eduardo Regala, Chairman ng PRC-La Union Chapter, “We are here to extend our services, not only in our office, but we do as far as the farthest municipality and barangay, to reach out.”

Nagbigay-alam din ang PRC-La Union na ang naturang health caravan ay tutungo pa sa mga bayan ng Sudipen at Luna ngayong Disyembre.

Sinigurado naman ng PRC La Union na ipagpapatuloy pa rin ang Alagang Red Cross Health Caravan nang sa gayon ay mahatiran din ng libreng serbisyong pang-kalusugan ang iba pang mga bayan sa La Union sa 2024 at sa susunod pang mga taon. (JCR/MJTAB/SGR, PIA La Union)

Bauang Municipal Mayor Eulogio Clarence Martin P. De Guzman III kasama ang Barangay Urayong Captain, Aaron Amistad (second to the right), PRC La Union Chapter Chairman Eduardo Regala (second to the left), at Almira Abrazado, Chapter Administrator of PRC La Union (front) habang isinasagawa ang Alagang Red Cross Health Caravan sa covered court ng Brgy. Urayong, Bauang, La Union kamakailan. (SGR)

Iba’t ibang serbisyo ang dala ng Philippine Red Cross – La Union Chapter sa mga residente ng Brgy. Urayong, Bauang, La Union kabilang na ang Free Blood Sugar Test, Blood Typing, serbisyong dental, at marami pang iba noong Nobyembre 30, 2023.

Iba’t ibang serbisyo ang dala ng Philippine Red Cross – La Union Chapter sa mga residente ng Brgy. Urayong, Bauang, La Union kabilang na ang Free Blood Sugar Test, Blood Typing, serbisyong dental, at marami pang iba noong Nobyembre 30, 2023.

In other News
Skip to content