Regional Adoption and Alternative Child Care Week, idinaos sa Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development-Regional Alternative Child Care (DSWD-RACCO) Office IV-A ang pagdiriwang ng Regional Adoption and Alternative Child Care Week sa Provincial Auditorium, Provincial Capitol Compound, sa lungsod ng Batangas, noong Hunyo 25, Martes.

Pinangunahan ng Batangas Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang programa na may temang “#EveryChildMatters: A New Era in Adoption and Alternative Child Care.”

Kaugnay nito, nagbahagi ang RACCO ng kanilang mga naging accomplishment simula taong 2009 hanggang sa kasalukuyan.

Nagsilbing resource speaker si RACCO IV-A Officer-In-Charge Rica Alyzza Benosa na tinalakay ang Republic Act No.11642 o Domestic Admnistrative Adoption and Alternative Child Care Act na ipinatutupad simula 2022.

Layon nitong mas mapadali at mapabilis ang proseso ng pag-aampon sa mga batang Pilipino.

Tampok rin sa programa ang pagbabahagi ng karanasan ng mga foster at adoptive parents bilang mga magulang ng mga batang nasa kanilang pangangalaga.

Nagpaabot ng pasasalamat si Vice Governor Mark Leviste sa lahat ng ahensyang nangangasiwa sa pagsiguro sa kapakanan ng mga kabataan at binigyang-diin ang kahalagahan ng tamang pangangalaga, aruga at kalinga para sa lahat. (MPDC/PIA Batangas, may ulat mula sa Batangas PIO)

In other News
Skip to content