Relics ni St. Therese of the Child Jesus, bibisita sa Baguio sa Enero 10-12

Ang pagbisita ng relics ni St. Therese of the Child Jesus sa Lubuagan, Kalinga. (Photo: St. Peter’s Parish Church – Lubuagan)

BAGUIO CITY (PIA) — Nakatakdang dalhin sa Diocese of Baguio ang relics ni St. Therese of the Child Jesus sa Enero 10-12.

Bilang bahagi ng ikalimang pilgrim visit nito sa bansa ay ililibot ang relics ni St. Therese sa iba’t ibang bahagi ng bansa hanggang sa Abril 30, 2023.

Sa Cordillera ay una itong dinala sa St. William’s Cathedral sa Tabuk City, Kalinga, bago sa St. Peter’s Parish Church sa Lubuagan. Dinala rin ito sa St. Therese Parish sa Conner, Apayao.

Dadalhin ito sa Diocese of Laoag, Archdiocese of Nueva Segovia at Diocese of San Fernando, La Union bago sa Diocese of Baguio.

Ang tema ng ikalimang pilgrim visit ng relic ng tanyag na santo ay “Lakbay Tayo St. Therese! Ka-Alagad, Kaibigan, Ka-Misyon!”

Ayon kay Bishop Oscar Jaime Florencio, chairperson ng 5th Visit of the Pilgrim Relics of St. Therese, ang paglalakbay ng pilgrim relics ay inaasahang makatutulong sa paghahayag ng mabuting balita sa mga nawala at patuloy na nawawala sa landas ng kabanalan.

“Mula sa pagiging alagad at isang kaibigan, tayo ay patuloy na nagmimisyon sa lupang ibabaw na maghatid ng pag-asa, pag-ibig, kaligayahan at kaligtasan na tanging nagmumula lamang sa ating Panginoon,” ani obispo.

Matatandaang bumisita sa bansa ang relics ni St. Therese noong 2000, 2008, 2015, at 2018.

Si St. Therese of the Child Jesus ay kilala rin bilang Saint Thérèse of Lisieux. Ipinanganak ito noong Enero 2, 1873 sa Alençon, France. Pumasok ito sa Carmelite Monastery of Lisieux sa edad na 15 matapos itong pahintulutan ni Pope Leo XIII.

Noong Setyembre 30, 1897, namatay si St. Therese sa edad na 24 dahil sa tuberculosis. Si St. Therese ay patron saint ng missions at ng florists. Pinroklama ito ni Pope John Paul II na Doctor of the Church noong 1997, isang daang taon mula nang ito sumakabilang-buhay.

Ang mga magulang nito na sina Saints Louis Martin at Marie-Azélie Guérin ay na-canonize noong Oktubre 18, 2015 sa pamamagitan ni Pope Francis. (JDP/DEG-PIA CAR)

In other News
Skip to content