Remote SIM Card Registration, sinimulan ng NTC 4A

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)—Sinimulan na ng National Telecommunications Commission (NTC) Calabarzon katuwang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) Calabarzon  ang remote SIM Card registration sa bayan ng Rosario noong ika-26 ng Enero.

Ang aktibidad ay bilang tugon sa pagpapaigting pa ng impormasyon ukol sa pagrerehistro ng SIM cards alinsunod sa  RA 11934 o SIM Card Registration Act at layong maiwasan ang anumang krimen o insidente na gumagamit ng SIM cards na maaaring magdulot ng pinsala o problema sa publiko o komunidad.

Ayon kay NTC Calabarzon Regional Director Arnold Barcelona, layon ng aktibidad na mas mailapit pa ang serbisyo ng mga telecommunications company lalo na ang pagpaparehistro ng SIM dahil maraming mga lugar pa din ang mahina ang signal at kulang sa mga cell sites.

“Ang aktibididad na ito ay tinatawag na facilitated NTC SIM registration. Ito ay isang programa ng aming ahensya kung saan pupuntahan natin ang mga remote areas upang tulungan silang makapagregister ng kanilang SIM,” ani Barcelona.

Aniya pa, inuna muna ang mga remote areas dahil karamihan sa mga ito kung hindi man mahina ay walang signal kaya kailangang asistihan para mapabilis ang pagrerehistro.

Target ng NTC Calabarzon na makapagrehistro ng 1,000 SIM cards sa isang araw na aktibidad.

Samantala, binigyang-diin ni Barcelona na hindi tama at mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng registered SIM cards dahil kung ito ay gagamitin sa hindi maganda ng nakabili mananagot pa din ang sinumang nakarehistro dito.

Sa mga rehistradong SIM na hindi na nais pang gamitin ng may-ari, maaaring makipag-ugnayan sa mga Telcos upang putulin ang kanilang linya at hindi na magamit ng sinuman.

Bukas din ang mga tanggapan ng Smart, Globe at Dito sa mga malls at iba pang branches nila kung saan maaari ding makapagbigay ng assistance sa pagrerehistro ng SIM.

Sa panayam kay Mayor Leovigildo Morpe, sinabi nito na malaking bagay na unang sumailalim sa facilitated SIM registration ang bayan ng Rosario dahil madaming mga lugar dito ang mahina ang signal at mas mainam na nakarehistro ang mga SIM dahil sa dami ng kumakalat na scammers.

“Malaking tulong ito sa pagsugpo ng krimen at pagpapanatili ng kaayusan ng isang bayan kaya’t malaking bagay ito para sa amin at lalo na sa kapulisan upang mas mabilis ma-trace ang mga krimen. Maswerte kami dahil unang pinagdausan ng SIM registration  at nakikipag-ugnayan din kami sa NTC upang ang aming 10 upland barangay ay magkaroon ng malakas na signal ng komunikasyon,” ani Morpe.

Isa-isang inaasistihan ng mga telecommunications provider ang bawat kliyente na pumupunta sa kanila kung saan mayroong priority lane para sa mga senior citizens kung saan ginagabayan ang mga ito sa bawat procedure ng pagrerehistro.

Sa panayam kay Amador Sumagpang, isang senior citizen mula sa Brgy. Namuco, napakalaking tulong sa kanya ng ganitong programa dahil hindi niya alam ang gagawin.

Aniya, iniisa isa ng mga telco’s ang mga impormasyon kung kaya’t mas mabilis na naiisagawa ang pagrerehistro.

Sa kabuuan, mayroong naserbisyuhang 613 mula sa Smart; 263 sa Globe at 73 sa DITO. (MDC/PIA-Batangas)

In other News
Skip to content