Residente ng San Jose, Kampeon sa provincewide Poster Making Contest ng DTI

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Itinanghal na kampeon kamakailan si Marvin Malinao, 23 taong gulang at residente ng Barangay Caminawit bayan ng San Jose, sa ginanap na Poster Making Contest ng Department of Trade and Industry Occ Mdo.

Ang nasabing paligsahan ay bahagi ng selebrasyon ng DTI sa World Consumer Rights Day (WCRD) na ipinagdiriwang tuwing ika-15 ng Marso. Ang tema ngayong taon ay Empowering Consumers Through Clean Energy Transitions. Sumali dito ang mga artist mula bayan ng Magsaysay, San Jose, Rizal at Mamburao.

Sa panayam matapos i-anunsyo ang kanyang pagwawagi, sinabi ni Malinao na itinampok niya sa kanyang likhang-sining ang mga itinuturing na clean sources of energy kabilang ang solar, geothermal, hydrothermal at iba pa. Aniya, ang mga ito ang higit na dapat pagkunan ng enerhiya sa mundo. Makikita rin sa nanalong poster ang limang mukha ng tao na ayon kay Malinao ay kumakatawan sa iba’t ibang consumers.

Idinagdag pa ng kampeon na ang ideya sa likod ng kanyang iginuhit ay nabuo pagkatapos ng ipinatawag na oryentasyon ng DTI para sa nasabing aktibidad. Dito aniya ay maayos na naipaliwanag ng DTI ang tema ng WCRD ngayong taon at ang kahalagahan ng taunang pagdiriwang. “Dahan dahan nabuo lahat ng gusto kong ilagay sa entry ko habang iginuguhit ko siya”, ani Malinao.

Payo ni Malinao sa mga katulad niyang artists, na ipagpatuloy ang kanilang pagguhit upang lalong mahasa ang kanilang talento at kung may oportunidad ay sumali rin sa mga art contest upang lumawak ang kanilang kaalaman at karanasan. (VND/PIA MIMAROPA)

In other News
Skip to content