PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Aprubado na ng National Historical Commission of the Philippines ang restorasyon o pagpapanumbalik ng Fuerza Sta. Isabel de la Paragua sa bayan ng Taytay.
Sa impormasyong ibinahagi ng Municipal Tourism Office ng Pamahalaang Bayan ng Taytay, ang proyektong pagpapanumbalik ng mga ari-ariang pamana ng kultura o cultural heritage properties tulad ng Fuerza Sta. Isabel de la Paragua ay sumailalim sa masusing pag-aaral at evaluation ng National Historical Commission of the Philippines matapos maisumite dito ang Conservation Management Plan ng nasabing lugar.
Dahil sa nabigyan na ito ng ‘Certificate of No Objection’ mula sa NHCP ay isasagawa na ang groundbreaking ng chapel restoration nito ngayong ikalawang kwarter ng taon sa mapapagitan ng Municipal Engineering Office ng Taytay-LGU.
Inaasahan naman na matatapos ang nasabing proyekto bago matapos ang taong 2023 bilang handog sa pagdiriwang ng ika-400 taon ng Kristiyanismo sa Palawan at anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Taytay.
Ang Fuerza Sta. Isabel de la Paragua na itinayo noong 1667 ng mga misyonerong Rekoleto ay nagsilbing matibay na muog na nagmamatyag sa mga sasakyang pandagat na pangkalakal at sumasalakay na mga tulisang-dagat.
Ito ay unang ipinatayo na yari sa kahoy. Himpilan ito ng kampanyang pangkapayaan ng mga kastila sa Palawan na noon ay kilala sa tawag na Paragua.
Noong unang sangkapat ng ika-18 daang taon, sa pagsusumikap ni Gobernador Fernando Manuel De Bustillo ay muli itong ipinatyo na gawa na sa bato at may apat na tanggulan na nagpaparangal kina Sto. Toribio, San Miguel, San Juan at Sta. Isabel.
Sa pangangasiwa naman ni Don Fernando Velez De Arce ay natapos ang Kuta sa kalagitnaan ng daantaon ding iyon. (OCJ/PIA-MIMAROPA)
Makikita sa larawan ang plano ng restorasyon ng kapilya sa loob ng Fuerza Sta. Isabel de la Paragua na inaprubahan ng National Historical Commission of the Philippines. (Larawan mula sa Taytay-LGU Municipal Tourism Office )