Retrieval operation ng Cessna passengers nagpapatuloy

LEGAZPI CITY, ALBAY (PIA5/Albay)— Kasalukuyang ibinababa na ang labi ng apat na pasahero ng Cessna RP-C2080 matapos matukoy ang kanilang kinaroroonan bandang 11:35 ng hapon nitong Miyerkules.

Sa press conference kaninang umaga, kinumpirma ni Camalig Mayor Caloy Baldo na nagsasagawa na sila retrieval operation.

‘’There is no timeline, hangga’t hindi pa naibaba [ang mga labi] hindi ako uuwi ng [hindi pa ito] tapos,’’ saad ni Baldo.

CESSNA PRESSCON | Ibinahagi ni Mayor Carlos Irwin Baldo at mga kasamahan nito mula sa iba’t ibang ahensya nitong ika-23 ng Pebrero ang proseso ng retrieval operation ng mga nasawi na pasahero ng Cessna plane sa publiko. (Photo courtesy of: Mayor Caloy Baldo)

Ang mga nasawi ay ang pilotong si Capt. Rufino James Crisostomo, crew at mechanic Joel Martin, at mga Australian passengers na sina Simon Chipperfield at  Karthi Santhanam. Sila ay mga empleyado ng Energy Development Corporation (EDC).

Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) Chief Dr. Cedric Daep umaasa silang matapos ang retrieval operation sa madaling panahon subalit hindi pa sila makapagbibigay ng timeline dahil isinasaalang alang nila ang sitwasyon ng mga responders na kasalukuyang nasa Bulkang Mayon.

Hamon at panganib

‘’Isipin niyo na lang kung gaano kahirap talaga, may isang dadaanan doon na  maliit, isang tao lang ang makadadaan tapos may hawak pa silang biktima,’’ pahayag ni Daep.

‘’That is how difficult on-site, kaya mahirap magsabi ng time. Safety din ng retrieval team ang kailangan natin doon. Kaya ganun kahirap ang sitwasyon kung bakit natagalan pa tayo,’’ dagdag niya.

Samantala, naka depende sa magdadala sa mga labi ng mga nasawi ang pagdating ng retrieval team sa baba ng Bulkang Mayon ayon kay Baldo.

“Hindi [pa] alam kung saan pwede ibaba, kung saan pinakamadali ibaba doon natin idadaan. Nagdedepende yun doon sa magdadala,” saad ni Mayor Baldo.

Kasama sa 179 responders ang mga trained personnel mula sa Bureau of Fire Protections (BFP), mountaineers, local guides, Local Government Unit’s (LGU’s), EDC at Philippine National Police (PNP).

Binigyang diin din ni Baldo na hindi lahat ng personnel ay sasama on-site.

Samantala, ibinahagi ni Daep na kapag naibaba na ang mga labi at nagdeklara na si Mayor Baldo ng’Termination of Operation’ ay tapos na ang kanilang responsibilidad sa nasabing insidente. Ito ay ililipat na sa mga kaukulang otoridad na magsasagawa ng imbestigasyon.

“Kaya kapag nagdeklara na si Mayor Baldo ng termination tapos na ang aming responsibilidad, although nasa monitoring pa kami ng situation,” saad ni Daep.

Ayon kay EDC BacMan Corporate Relations Head Eduardo Jimenez patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga pamilya ng mga nasawi.

“Tungkol naman sa kanilang pamilya, iyong nararapat na koordinasyon at pakikipag-usap sa kanila ay ginagawa natin. Nandiyan tayo sa lahat ng panahon pag kinakailangan nila iyong impormasyon mula noong Sabado hanggang sa kasalukuyan,” saad ni Jimenez. (Mula sa ulat ni Judith Valenzuela, BU Intern-PIA5/Albay)

Cover photo courtesy of: Mayor Caloy Baldo

In other News
Skip to content