LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) — Iniulat ng mga miyembro ng Batangas City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) ang mga programang iapapatupad ng pamahalaang lungsod kaugnay sa risk mitigation tuwing panahon ng tag-ulan.
Sa isinagawang 4th Quarter Full council meeting ng CDRRMC, iniulat ni Engr. Dwight Arellano, Chairperson-Committee on Disaster Prevention and Mitigation na patuloy ang isinasagawang de-clogging sa mga drainage upang maiwasan ang pagbaha sa oras ng sunod-sunod na pagpasok ng mga bagyo.
Patuloy din ang pagsasaayos ng mga manhole covers na maaring magdulot ng aksidente sa mga motorista at pedestrian, lalo na kung tumaas ang baha na nararanasan sa ilang mga lugar sa lungsod.
Ayon sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO), katuwang nila ang City Engineer’s Office, Department of Public Works and Highways (DPWH) at ilang pribadong service providers gaya ng Meralco at PLDT sa pagdaraos ng 34 na clean up drives nitong 2024 na layong makatulong na mabawasan ang mga basura na bumabara sa mga daluyan ng tubig.
Nagkaroon rin ng bukod na clean-up operations ang PLDT at Meralco kung saan isinaayos ang mga kable at poste, pagtatanggal ng unutilized o hindi na ginagamit na poste, at pole relocation projects.
Ipinaalala naman ni CDRRMC Vice-Chairperson Engr. Januario Godoy sa Meralco ang agarang pagsasaayos ng mga poste nito na maaapektuhan ng ginagawang flyover sa bahagi ng Barangay Balagtas upang hindi na makapagdulot ng aksidente sa mga motorista.
Ayon naman sa representative ng Meralco, may lugar na silang napili upang ilagay ang mga poste at ilipat na ang mga ito sa lalong-madaling panahon.
Binanggit ni CDRRMO Chief Rod Dela Roca na 75 porsiyento nang tapos ang ginagawang command center ng tanggapan at inaasahan na matatapos ito sa Hunyo 2025.
Ang Batangas City ay muling ginawaran ng Gawad Kalasag Beyond Full Compliant Award ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), ang pinaka-prestihiyosong parangal ng ahensya sa maayos na pagpapatupad ng disaster management programs.
Ang lungsod ay isa sa may mataas na pagkilalang natanggap mula sa konseho sa loob ng walong taon na pakikiisa nito sa mga programa ng NDRRMC.
Hinikayat ni Engr. Godoy ang lahat ng myembro ng konseho na magkaroon ng mas maigting na monitoring sa mga lugar na maaring magkaroon ng landslides at pagbaha kapag umuulan. (BMPDC/PIA-Batangas; may ulat mula sa PIO Batangas City)