ODIONGAN, Romblon (PIA) — Tatlong ospital sa probinsya ng Romblon ang nakatanggap ng mga bagong ambulansya mula sa Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) Mimaropa bilang bahagi ng kanilang Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Pormal itong tinanggap ng mga ospital ngayong Biyernes mula kela Oscar Macam, Executive Assistant of the Regional Director ng DOH Mimaropa at Engr. Ian Louis Fernando Carlota mula sa HFEP Unit.
Kabilang sa mga ospital na nabigyan ay ang Provincial Health Office ng Romblon sa Romblon Provincial Hospital, Sibuyan District Hospital, at Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital na personal na dinaluhan at tinanggap ng kanilang Chief of Hospital na si Dr. Lenie G. Manayam kasama ng iba pang representative mula sa mga nasabing health facilities.
Bukod sa turnover ceremony, nagkaroon din ng Ambulance Equipment Training ang lahat ng dumalo upang mabigyan ng detalyadong pag-unawa at kaalaman sa mga kagamitan na ibinahagi rin ng Kagawaran ng Kalusugan.
Sa isang statement, sinabi ng DOH Mimaropa na ang pagkakaloob ng ambulasya sa mga nasabing health facilities ay naglalayon na makapagbigay ng agarang tulong medikal sa mga higit na nangangailangan lalong higit sa mga lugar na mahirap marating. (PJF/PIA MIMAROPA)