Roxas-Taytay 69KV Transmission Line ng NAPOCOR, pinasinayaan na

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Pormal nang pinasinayaan kamakailan ang Roxas-Taytay 69KV Transmission Line ng National Power Corporation o NAPOCOR. Ginanap ito sa Taytay Substation, Brgy. Poblacion sa bayan ng Taytay.

Inaasahan naman na ang pagpapasinaya sa naturang transmission line ay makapaghahatid ng mas maayos na suplay ng kuryente sa mga residente mula sa bayan ng Roxas hanggang bayan ng Taytay.

Ayon sa Napocor, ang pagtatapos ng nasabing transmission line ay bahagi ng hangarin ng nasabing korporasyon na makapagbigay ng maaasahang elektrisidad at typhoon-resilient facilities sa mga probinsiya kung saan ito nagmamantini at nag-o-operate ng transmission system.

Ayon pa rin sa impormasyon ng Napocor, ang nasabing proyekto na nasa 71.3 circuit kilometer ay pinondohan ng Pamahalaang Nasyunal ng halagang P691M noong nakalipas pang mga taon sa pamamagitan ng Special Allotment Release Order.

Ang unang bahagi ng naturang proyekto ay ginawa ng SL Development Construction Corporation habang ang ikalawang bahagi nito ay ginawa naman ng DM Consunji, Inc.

Bukod sa pagpapatakbo ng mga transmission system ay mayroon pang minamanti na 24 na Small Power Utilities Group (SPUG) power plants sa malalayong isla sa Palawan ang Napocor.

Ang Napocor, ayon sa ipinag-uutos ng Electric Power Industry Reform Act of 2001, ay inatasang magsagawa ng missionary electrification sa mga isla na hindi konektado sa pangunahing transmission grid. Ginagawa nito ang mandatong ito sa pamamagitan ng pagpapatakbo ng 281 SPUG power plants at pagpapaunlad at pagpapanatili ng transmission systems ng Palawan, Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Masbate, at Catanduanes. (OCJ/PIA-MIMAROPA)


Pinasinayaan na kamakailan ang Roxas-Taytay 69KV Transmission Line ng National Power Corporation o NAPOCOR. (Larawan mula sa NAPOCOR)

In other News
Skip to content