San Vicente LGU, bumuo ng task force para sa El Niño/La Niña Phenomena


Ang pagpupulong kamakailan ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaang sa San Vicente, Palawan kung saan bumuo ang Lokal na Pamahalaang Bayan ng Municipal Task Force na tutugon sa posibleng epekto ng El Niño/La Niña Phenomena. (Larawan mula sa LGU-San Vicente MIO)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Bumuo ng Municipal Task Force El Niño/La Niña Phenomena ang Lokal na Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pamamagitan ng Executive Order No. 98, na nilagdaan ni Mayor Amy Roa Alvarez, kamakailan.

Ang task force ay pangungunahan ng Municipal Planning and Development Coordinator bilang pangkalahatang pinuno kasama ang mga piling pinuno ng iba’t-ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan at mga kinatawan ng lokal na Civil Society Organizations (CSOs).

Ang hakbang na ito ng lokal na pamahalaan ay upang matugunan ang mga maaaring maging masamang epekto ng El Nino/La Nina Phenomena sa buhay, kapaligiran, at socio-economic condition ng mga residente ng nasabing bayan.

Pangunahing tungkulin din ng task force ang pagbalangkas ng Comprehensive Disaster Preparedness and Rehabilitation Plan upang maitaguyod ang pagtiyak sa seguridad sa pagkain, tubig, enerhiya, pangkalusugan at iba pang pangangailangan ng nasabing bayan.

Upang mapadali ang epektibong pagpaplano, ang task force ay bumuo ng apat na working committee, ang Agriculture, Natural Resources, and Water Management Committee; Early Warning System and Information Campaign Committee; Energy and Power, Public Works, Transportation, and Telecommunication Committee; at ang Consumer Protection, Social Services, Health, and Rescue Relief Committee. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)

In other News
Skip to content