San Vicente SIM Card Registration Caravan, nagsimula na
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Sinimulan na sa Bayan ng San Vicente ang SIM Card Registration Caravan ngayong Pebrero 2023.
Ang aktibidad na ito ay sa inisyatibo ng Pamahalaang Lokal ng Bayan ng San Vicente katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG)-San Vicente at Department of Information and Communications Technology (DICT)-Palawan na naglalayong maipaabot sa mga barangay ang nilalaman at adhikain at importansiya ng Republic Act (RA) 11934 o ‘Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act’
Ang isinasagawang SIM Cards Registration Caravan sa Bayan ng San Vicente na nagsimula nitong Pebrero 2023. (Larawan sa itaas at sa ibaba ay mula sa LGU-San Vicente)
Target ng LGU-San Vicente na maisagawa ang SIM Card Registration Caravan sa 10 barangay nito lalo na sa malalayong lugar kung saan mahina o walang internet connection kung saan kasabay na rin nito ang pagtulong sa mga residente na mai-rehistro ang kanilang mga simcards.
Nauna nang naisagawa ang SRA information drive at registration assistance sa Bgy. Binga nitong Pebrero 3 at sa Bgy. New Canipo naman nitong Pebrero 4, kung saan mahigit 50 na residente ang kusang nagpatulong at matagumpay na nairehistro ang kanilang simcards sa mga telecommunications network.
Ang RA 11934 o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act ay isang bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., noong nakaraang taon na nag-aatas sa lahat ng mga nagmamay-ari ng SIM o Simcard na irehistro sa kani-kanilang telecommunications network o company upang protektahan ang mga end-users mula sa mga ilegal na aktibidad tulad ng mga voice at text scam, spam, mobile phishing, bank fraud, smishing, cybersecurity threats, identity theft, terrorism at iba pang uri ng mga panloloko gamit ang mobile phone at iba pang electronic devices.
Ayon sa LGU-San Vicente, maliban sa mga SIM Card Registration Caravan ay maaari ding pumunta at magpa-assist o magpatulong sa mga Sitio Purok Links (SPL) at Barangay Registration Agents (BRA) sa barangay ang mga residente na nais magrehistro ng kanilang mga SIM Cards. Kailangan lamang na dalhin ang sariling cellphone at isang valid ID. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)