PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Nagpapatuloy pa rin ang Search and Rescue (SAR) operation sa nawawalang apat pang pasahero ng lumubog na dive yacht na M/Y Dream Keeper nitong April 30, 2023 sa karagatan ng Tubbataha Reefs Natural Park sa bayan ng Cagayancillo.
Nasa lugar pa rin ang barko ng Philippine Navy na BRP Carlos Albert (PC-375) na tumutulong sa SAR operation kasama ang barko ng Philippine Coast Guard, dalawang dive yacht na M/Y Monsy at M/V Sport Palau, gayundin ang dalawang aluminum boats ng Tubbataha Reef National Park (TRNP).
Pinag-igting din ng Western Command (WESCOM) ang kanilang pagtulong SAR operation para mahanap ang apat pang nawawalang pasahero ng lumubog na yate.
Kaugnay nito ay ipinadala ng WESCOM ang Philippine Navy (PN) Britten Norman Islander aircraft NV312, isang US P-8 Poseidon at dalawang V-22 Osprey para sa aerial search.
Gayundin, isa pang barko ng Philippine Navy, ang BRP Felix Apolinario (PC-395), ay tumungo rin sa lugar kaninang umaga upang makatuwang ng BRP Carlos Albert (PC-375) sa isinasagawang SAR operation.
Samantala, pinagkalooban naman ng cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development Office-MIMAROPA katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang 28 mga nailigtas na pasahero ng lumubog yate.
Dumating ang mga ito sa Lungsod ng Puerto Princesa sakay ng BRP Melchora Aquino ng Philippine Coast Guard kahapon, Mayo 1, 2023, kung saan personal itong sinalubong ni PCG-Coast Guard District Palawan Coast Guard Captain Dennis Rem Labay.
Ang nasabing cash assistance ay upang magamit ng mga ito sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Nagkaloob din ng hygiene kits mula sa Office of Civil Defense (OCD) ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO). (OCJ/PIA-MIMAROPA-Palawan)
Personal na kinausap ni PCG-Coast Guard District Palawan Coast Guard Captain Dennis Rem Labay ang mga nakaligtas na pasahero ng M/Y Dream Keeper ng dumating ang mga ito sa seaport ng Lungsod ng Puerto Princesa nitong Mayo 1, 2023) (Larawan mula sa PCG-Palawan)