CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Pormal nang nanumpa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si dating Cavite Governor Juanito Victor “Jonvic” Remulla, sa Malacañang ngayong Martes, Oktubre 8.
Si Remulla ang pumalit kay dating DILG Secretary Benhur Abalos na nagbitiw upang maghain ng kanyang Certificate of Candidacy bilang senador sa 2025 midterm elections.
Bilang bagong Kalihim ng DILG, kabilang aniya sa kanyang adhikain ang pagtibayin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan at kapulisan para maging pantay aniya ang karapatan ng lahat.
“Ito po ay aking buong pusong tinanggap upang makatulong di lamang sa ating lalawigan kundi para na din sa buong Pilipinas. Ang aking adhikain mula noon pa man ay ang ipagtibay ang kakayahan ng lokal na pamahalaan at kapulisan para maging pantay ang karapatan ng lahat at tungo sa mas mabuting kinabukasan,”ani Remulla sa kanyang Facebook post bago manumpa sa bagong tungkulin.
Nagpasalamat din si Remulla sa mga Caviteño sa pagkakataong ibinigay ng mga ito sa kanya.
“Maraming Salamat sa pagkakataon na ibinigay ninyo sa akin bilang inyong gobernador. Isa pong napakalaking karangalan ang makapaglingkod sa inyong lahat,” saad ni Remulla na nakababatang kapatid ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
“Ngayon naman po ay kailangan ko ang inyong dasal at suporta para ako po ay magtagumpay sa aking bagong tungkulin. Ang tagumpay ko po ay tagumpay ng bawat Caviteño at ng bawat Pilipino,” dagdag ni Remulla na nagsilbing gobernador ng Cavite sa loob ng labing-isang taon.
Si Vice Gov. Athena Bryana Delgado Tolentino ang hahalili kay Remulla bilang Gobernador ng lalawigan, na opisyal na ring nanumpa ngayong araw.
Nanalo siya sa halalan bilang bise gobernador noong 2022 at umupo sa pangalawang pinakamataas na posisyon na inihalal sa lalawigan ng Cavite noong Hunyo 30, 2022, matapos maglingkod bilang konsehal ng Lungsod ng Tagaytay mula 2019 hanggang 2022.
Sa edad na 26, ang bagong itinalagang gobernador ng Cavite ay isa sa mga ‘youngest public servants’ sa bansa.
Si Tolentino ang kauna-unahang babaeng bise gobernador at ang kauna-unahang babaeng gobernador ng lalawigan ng Cavite.
Siya ay anak ng Chairman ng Philippine Olympic Committee (POC) at Alkalde ng Tagaytay na si Abraham Tolentino, at pamangkin ng Senate Majority Leader na si Francis “Tol” Tolentino.
Nangako ang nakababatang Tolentino na ipagpapatuloy ang mga programa at proyekto ng nakaraang gobernador, na ngayo’y namumuno sa DILG. (PIA CAVITE)