LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Pormal nang binuksan noong Nobyembre 13 ang pagdiriwang ng Fiesta MAHALTANA, ang ika-73 taong pagkakatatag ng lalawigan ng Oriental Mindoro.
Sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng Flag and Banner raising ceremony na dinaluhan ng iba’-ibang kinatawan ng 14 bayan at isang lungsod sa lalawigan sa pangunguna ng mga punong bayan ng mga ito.
Iprinesenta rin ang 15 kalahok sa isasagawang Miss Oriental Mindoro Pageant Night sa Bulwagang Panlalawigan ng Pamahalaang Panlalawigan na nakatakdang ganapin sa Nobyembre 14.
Bahagi din ng pagdiriwang ng ika-73 taong pagkakatatag ng lalawigan ang isinagawang ‘Araw ng Parangal’ sa Bulwagang Panlalawigan, Provincial Capitol Complex.
Ang gawain ay kumikilala sa iba-ibang sektor ng lipunan na mayroong malaking ambag sa kaunlaran at kagalingan ng Oriental Mindoro. Ilan lamang sa mga sektor na pararangalan dito ay ang mga miyembro ng bantay dagat, magsasaka, kabataan, at mga magreretirong kawani ng pamahalaang panlalawigan.

Pinangunahan ni Governor Humerlito Bonz Dolor katuwang ang iba pang lokal na opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan sa ang pag gawad ng parangal sa mga mag reretirong kawani ng pamahalaan. (Larawan mula kay Joshua Sugay)
Ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, manipestasyon ang gawain ng mga napagtagumpayan ng mga Mindoreño. Dagdag pa nito, ito ay tungkol sa kontribusyon ng bawat isang pinarangalan para sa katagumpayan at kadakilaan ng Oriental Mindoro.
Pinakatampok sa Araw ng Parangal ay ang pagkilala sa mga bantay dagat ng lalawigan na nagkaroon ng malaking gampanin sa pagpapanatili ng kalinisan ng mga karagatan na isa sa mga natatanging yaman ng Oriental Mindoro. Kasabay din ang pagtugon sa kahilingan ng pamahalaan nang tumulong sa gitna ng kasagsagan ng oil spill sa lalawigan noong unang bahagi ng taon.
Kaugnay nito, itinanghal na kampeon ang Bantay Dagat Group of Gloria kung saan tumanggap ito ng P60,000 kalakip ang sertipiko ng pagkilala at plake. Nakamit naman ng Bantay Dagat Association of Naujan ang 1st runner-up; tumanggap naman ang mga ito ng cash prize na nagkakahalaga ng P40,000 kalakip ang sertipiko ng pagkilala at plake. Nasungkit naman ng San Teodoro Bantay Dagat ang 2nd runner-up at pinagkalooban naman ang mga ito ng P30,000. (JJGS/ PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)