LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-29 na anibersaryo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa buong bansa, nakibahagi ang TESDA Oriental Mindoro sa pamamagitan ng isinagawang World Café of Opportunities na kung saan dinagsa ng mga bagong graduate sa mga TESDA accredited school ang lugar na ginanap sa NuCiti Central Mall sa lungsod na ito noong Agosto 24.
Kaugnay nito ay ginugunita rin ng ahensiya ang National Tech-Voc Week kaisa ang mga nasa larangan ng industriya para mabigyan din ng oportunidad ang mga aplikante na makapagtrabaho tulad ng nasa hanay ng konstruksiyon na kinabibilangan ng pagkakarpintero, mason, operasyon ng heavy equipment at electrician. Pati na rin sa larangan ng agrikultura tulad ng agri-crop production, pangangasiwa ng kahayupan, pagsasagawa ng organic agriculture at aqua-culture at iba pa, gayundin ang sa larangan ng turismo na siyang nagbibigay kasiglahan sa isang lugar partikular ang pangangasiwa ng mga resort, bartending, food and beverages at marami pang iba.
Pinamunuan ni TESDA Provincial Director Ben-Hur Baniqued ang aktibidad na kung saan kasama nila dito ang malalaking kumpanya na kanilang inanyayahang makiisa upang ang mga bagong nagtapos sa mga accredited school sa lalawigan ay makapag-apply ng trabaho at sakaling palarin ay malaking tulong ito para sa kanilang sarili at pamilya.
Kabilang din sa nasabing okasyon ang mga TESDA accredited school na maaring magbigay ng oportunidad sa mga nagnanais mag-aral ng libre na siyang nagbibigay kasiglahan sa lalawigan pati mga oportunidad na makapagtrabaho sa loob at labas ng bansa. (DPCN/PIA Mimaropa-OrMin)
Nakiisa sa ika-29 na anibersaryo ng TESDA na ginanap sa NuCiti Central Mall ay sina (nakaupo sa presidential table sa unahan), ang kumatawan kay City Mayor Malou Morillo na si Konsehal Atty. Jel Magsuci, Gob. Humerlito Dolor, TESDA Provincial Director Ben-Hur Baniqued at kinatawan ni Cong. Arnan Panaligan na si dating konsehal Rafael Infantado. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA Mimaropa-OrMin)