LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Dahil sa hindi nakadalo si Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ng buksan sa Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) ang Malasakit Center ay personal niya itong binisita kamakailan para sa monitoring visit upang makita ang sitwasyon at mapaalalahanan ang mga kawani sa kanilang mga tungkulin.
Sinabi ni Sen. Go sa mga social worker na nasa Malasakit Center na, “Serbisyuhan natin ng tapat na may paggalang at malasakit ang mga lumalapit sa atin dahil hindi naman sila magpapagamot sa mga pampublikong ospital kung maayos ang kanilang kabuhayan kundi ang mga kababayan natin na walang-wala. Kung kinakailangan silang madala sa Maynila para sa matinding gamutan o operasyon ay sasagutin ng Malasakit yan pati ang pamasahe o ambulansiya– paroon at pabalik ng Mindoro.”
Layunin nitong mabawasan ang mga kailangang papeles at dokumento na kailangan isumite sa mga pagamutan upang makahuha ng serbisyong medikal na kinabibilangan ng libreng pagpapagamot, operasyon at tulong pinansiyal para makalabas ang pasyente na wala ni isang sentimong babayaran. Katuwang din ng Malasakit Center ang mga tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Social Welfare and Development (DSWD), PhilHealth, Department of Health (DOH) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“Nasa 157 na ang Malasakit Center sa buong bansa na kung saan ang pagpapatayo nito sa aking unang iniakdang batas, ang Republic Act 11436 o Malasakit Center Act of 2019 nang ako ay umupo bilang senador na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 2, 2019 para sa mga mahihirap nating mga kababayan,” pagtatapos na mensahe ng senador.
Ang Malasakit Center sa OMPH ang ika-83 sangay sa buong bansa na binuksan noong Setyembre 18, 2020.
Samantala, ipinahayag naman ni Governor Humerlito ‘Bonz’ Dolor na naglaan ang senador ng karagdagang pondo para sa Malasakit Center ng P20M, at P25M para sa Health Facility Enhancement Program.
Inanunsiyo din ni Dolor na anumang araw mula ngayon ay magsasagawa ng groundbreaking para sa itatayong bagong gusali ng Oriental Mindoro Central District Hospital (OMCDH) sa Pinamalayan na nagkakahalaga ng P50M. (DN/PIA MIMAROPA)
Pinaalalahanan ni Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang mga social worker na naglilingkod sa Malasakit Center sa loob ng Oriental Mindoro Provincial Hospital na dapat tratuhin ng may paggalang at malasakit ang mga lumalapit sa kanila dahil sila ay mga kapos-palad at hindi kayang magpagamot sa mga pribadong ospital. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)