Dayalogo sa Benguet State University nitong Pebrero 26, 2023 kasama si Sen. Imee Marcos. (PIA-CAR)
LA TRINIDAD, Benguet (PIA) – Binigyang-diin ni Senator Imee Marcos ang pagpapalakas pa sa mga kabataang magsasaka.
Sa pagharap niya sa mga benepisyaryo ng Young Farmers Challenge (YFC) Program at sa ilang kooperatiba sa ginanap na dayalogo sa Benguet State University (BSU) nitong Linggo, Pebrero 26, sinabi ni Sen. Marcos na kinakailangan ng mga young farmers na mag-level up at mas matuto ng good manufacturing practices and preservation processes.
“We want to level up, we need to scale the young farmers, so, that’s our challenge,” saad ng senador.
Aniya, maaari ring makipagtulungan ang mga young farmers sa mga kooperatiba upang ang mga ito ang mag-consolidate sa kanilang produkto na ibebenta sa merkado.
Iginiit nito na kailangan ang pagtutulungan lalo na sa market access.
We have to look at where the demand is so large so that hindi na tayo mamroblema sa pagbebenta, ani Sen. Marcos.
Ang YFC Program ay isang competitive financial grant ng Department of Agriculture (DA) para sa mga kabataang Pilipino na naglalayong mapalago ang kanilang profitable at sustainable agri-fishery enterprises. Ang programa ay inisyatibo ng tanggapan ni Sen. Marcos. Sa katunayan, ilan na rin sa mga kabataan mula sa Cordillera ang nanalo sa national level ng YFC.
Samantala, sa ginanap na dayalogo ay ibinahagi naman ng ilang kooperatiba ang ilan sa kanilang mga suliranin na tiniyak ng kinauukulang ahensiya na bibigyan nila ng aksyon.
Kasama ni Sen. Marcos sa dayalogo sina DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, DA-Cordillera Regional Director Cameron Odsey, Benguet Governor Melchor Diclas, La Trinidad Mayor Romeo Salda, BSU President Felipe Comila, at kinatawan ng iba pang opisyal at opisina ng pamahalaan. (JDP/DEG-PIA CAR)