Senator Hontiveros bumisita sa mga nagbabarikada sa Sibuyan island, Romblon


Nakipagdayalogo si Senator Risa Hontiveros sa mga residente ng Sibuyan Island, Romblon na 16 days nang nagbabarikada sa Barangay España, San Fernando, Romblon para ipatigil ang pagmimina sa kanilang lugar. (PIA Romblon)

SAN FERNANDO, Romblon (PIA) — Bumisita sa isla ng Sibuyan sa probinsya ng Romblon nitong ika-9 ng Pebrero si Senator Risa Hontiveros dala-dala ang kopya ng resolusyon na kanyang inihain sa senado kaugnay sa pag-iimbestiga sa pagmiminang nagaganap sa isla.

Nakipagdayalogo ang senador sa mga nagbabarikada sa Sitio Bato sa Barangay España kung saan 16 na araw nang nanatili ang mga residente upang bantayan ang galaw ng Altai Philippines Mining Corporation.

Naging laman ng talumpati ng Senador ang kanyang pangako na hanapan ng solusyon ang kinakaharap ng mga residente ng lugar.

“Nandito kami upang makinig sa inyong mga hinaing, matuto sa inyong mga karanasan at makiisa sa inyong pagsisikap na protektahan ang kalikasan na kumakalinga sa ating lahat,” pahayag ng senador.

Sa talumpati ng senador, kayang ibinahagi na nagpasa siya ng resolusyon sa Senado upang imbestigahan ang pagmiminang nagaganap sa Sibuyan.

“Inilalarawan sa Senate Resolution 459 ang mayamang kalikasan ng islang ito, na dito matatagpuan ang isa sa pinakamakapal na forest cover sa mundo. Bukod sa daan-daang species ng mga tanim at hayop, dito matatagpuan ang ilang uri ng mga puno at ibon na natatangi lamang sa Sibuyan,” pahayag ng senador.

“Hiling ng inihain kong Resolusyon na imbestigahan ang pagmimina at mga karahasan na dala ng mga dambuhalang pagmiminang ito,” pahayag pa nito.

Sinabi rin ng Senador na nagbibigay sa kanya ng inspirasyon ang ginagawa ng mga taga-Sibuyan na pagtitipon-tipon upang labanan ang pagmimina at nagbibigay ng lakas ng loob bilang mambabatas.

Kasama ng senador sina Atty. Chel Diokno ng Free Legal Assistance Group at Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic.

Bago pa makipagdayalogo ay binisita ng Senador ang memorial marker ng namatay na environmentalist at konsehal ng San Fernando, Romblon na si Armin Marin. Nag-alay ito ng bulaklak kasama si FLAG lawyer Chel Diokno at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya Marin. Namatay si Marin noong October 2007 matapos mabaril sa isang anti-mining rally.

Dinaanan rin ng Senador ang Cantingas Mini Hydro Powerplant para silipin ang isa sa mga dahilan kung bakit niya inihain sa senado ang pagbibigay ng prangkisa sa ROMELCO para bigyan ng panibagong 25-year franchise at pagdagdag sa mga bayan ng Banton, Corcuera, at Concepcion sa listahan ng mga bayan na puwede nitong serbisyuhan.

Sinadya rin ni Senator Risa Hontiveros sa kanyang opisina si San Fernando, Romblon Mayor Nanette Tansingco upang mag-courtesy call bago umalis ng probinsya ng Romblon. (PJF/PIA Mimaropa)

In other News
Skip to content