LUGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Tumulong ang mga miyembro ng 403rd Maneuver Company upang magsagawa ng salaan para sa pinagkukunan ng tubig ng mga magsasaka mula sa Brgy. Manaul, Mansalay, Oriental Mindoro.
Kasama sa mga tumulong sa pagtatayo ng naturang istruktura ang mga mag-aaral mula sa Manaul National High School upang magamit ng mga magsasaka ngayong panahon ng tag-init.
Ayon kay Police Brig. Gen. Joel Doria, Regional Director ng PRO MIMAROPA, ang naturang concrete filter ay itinayo sa pangunguna ni Police Capt. Sherwin Ramirez, ani pa ni Brig. Gen. Doria, isa ito sa nakitang paraan ng tanggapan ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA upang resolbahin ang kakulangan ng suplay ng patubig ng mga magsasaka sa naturang barangay lalo na ngayong tag-init.
Samantala, sa Brgy. Luzviminda, Puerto Princesa, tumulong naman ang mga kapulisan sa pagsasaayos ng nasirang tahanan ng isang residente mula sa naturang barangay dahil sa pinsalang dulot ng bagyong “Odette” noong 2021. Pinangunahan ang pagsasaayos ni Police Lt. Col. Victor Lacwasan. Nakalikom nang sapat ng pera ang mga ito upang ipangbili ng mga maeryales na siya namang gagamitin sa pag-gawa ng naturang bahay.
Tumulong rin ang hanay ng mga kapulisan mula Oriental Mindoro sa pagpigil sa pagkalat ng oil spill mula sa lumubog ng MT Princess na may lulang 800,000 litro ng industrial fuel noong Pebrero. Kasama ng mga apektadong residente ang mga pulis sa pagsasagawa ng mga hakbang upang mabawasan ang pinsalang dulot ng oil spill sa karagatan at sa kanilang mga lugar.
Sa pamamagitan ng masusing pakikipatulungan ng mga kapulisan sa mga mamamayan sa barangay, mas nabibigyang pagkakataon na mapagtibay ang relasyon ng bawat isa na siya namang magiging kapaki-pakinabang sa implementasyon ng mga programa at proyekto sa mga barangay na nasasakop ng mga ito. Bahagi rin aniya ito nang pagpapatibay ng konspetong “Life is Beautiful” na inilunsand ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. ng ito ay manumpa sa tungkulin noong nakaraang taon. (JJGS/PIA MIMAROPA)
Tumulong ang mga kapulisan sa pagsasaayos ng nasirang tahanan ng isang residente ng Bgy. Luzviminda, Puerto Princesa City dahil sa pinsalang dulot ng bagyong “Odette” noong 2021.