LUCBAN, Quezon (PIA) — Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region IV-A ang slope protection structures sa mga kalsada sa mga bulubunduking lugar sa lalawigan ng Quezon.
Kabilang sa mga kalsada na mayroon nang proteksyon laban sa pagguho ng lupa ang kahabaan ng Famy-Real-Infanta-Dinahican Port Road, Marikina-Infanta-Road, a Mauban-Tignoan Road
Ayon sa DPWH IV-A, layon ng proyekto na pinondohan sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act na tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista laban sa pagguho ng lupa lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Makakatulong din anila ito sa pagtataguyod ng maayos na transportasyon ng mga kalakal at serbisyo sa mga pambansang kalsada sa panahon ng kalamidad.
Dagdag pa ng ahensiya, ang slope protection ay ginamitan ng isang high-tensile wire mesh na nilagyan ng malalim na anchorage para sa slope stabilization.
Itinuturing din na environment-friendly ang proyekto dahil ang pagtatayo nito ay nagpapanatili sa mga nakatayong puno na naroroon sa lugar at nagbibigay-daan din para sa iba pang mga halaman na tumubo.
Sa ngayon, aabot na sa 59 slope protection structures ang naisagawa ng DPWH mula sa taong 2019 hanggang taong 2023 na naglalayong magbigay ng mga slope stabilization measures para sa mga landslide-prone na bahagi ng Real, Infanta, at General Nakar (REINA) Area. (RMO, PIA QUEZON)