ODIONGAN, Romblon (PIA) — Sa susunod na linggo ay maaari nang magamit ng mga estudyante ang laptop na kaloob sa kanila ng Romblon State University bilang bahagi ng P750-million Smart Campus program ng pamantasan na inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED).
Nitong nagdaang mga araw ay sinimulan na ng pamantasan na ihatid ang mga laptop sa mga campuses sa pangunguna ni Dr. Merian Mani, at ilan pang matataas na opisyal ng RSU.
Sa isang press release, sinabi ng RSU na layunin ng programang ito na itulay ang mga estudyante sa digital word at sumuporta sa proseso ng pagtuturo at pag-aaral sa pamantasan.
Sa radio interview kay Dr. Mani ng Mata ng Bayan sa Radyo Natin Odiongan noong February 18, sinabi nito na plano ng pamantasan na magkaroon ng mga laboratory sa mga campuses na lalagyan ng mga laptop kung saan pupunta ang mga estudyante para doon gumamit.
“Parang mag-shift kami nitong plan, na mas mabuti pang mag put-up tayo ng lab o ng mga classroom na nandoon ‘yung mga laptop, and then ‘yung mga student can come and use it,” ayon kay Dr. Mani dahil sa banta na posible umanong mawala o maibenta ang mga laptop kung ipapadala sa mga estudyante pauwi.
Ang bagong sistema ay iba sa orihinal na plano ng pamantasan kung saan lahat sana ng mga estudyante ay makatatanggap ng mga laptop na magagamit nila habang nag-aaral sa RSU at kailangang ibalik kung sakaling makapagtapos na.
Bagama’t may mga laboratory, sinabi ni Dr. Mani na ang mga estudyante nag-aaral sa kursong Engineering at Accountancy ay makatatanggap ng mga laptop na personal nilang magagamit.
“We will make sure na every students na nangangailangan ng laptop ay may mapupuntahan sila. Learning common ang tawag namin [dito],” dagdag ni Dr. Mani.
Noong Enero ay nakatanggap na ang mga faculty at staff ng Romblon State University ng mga laptop na magagamit nila sa kanilang pagtuturo.
Dumalo rin sa symbolic distribution ng mga laptop si Congressman Eleandro Madrona. (PJF/PIA Mimaropa)
Larawan mula sa Romblon State University