LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Masayang tinanggap kamakailan ng mga Senior Citizens sa lungsod na ito ang kanilang Social Pension matapos maantala ang pagpapadala sa lokal na pamahalaan ang pondo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa kawalan ng disbursing officer.
Ayon kay City Social Welfare and Development (CSWD) Head Juvy Bahia, nag-antabay anya sila kung kailan maibababa ng DSWD sa kanilang tanggapan ang pondo at nito lamang Disyembre 29, 2022 ay kanila na itong natanggap at kailangan pa rin sumailalim sa tamang proseso bago ang nakatakdang pamamahagi.
Hinati ng CSWD sa 10 cluster ang mga barangay na binubuo ng nasa anim hanggang 10 barangay na kung saan dalawang cluster sa isang araw ang pinupuntahan upang mabilis na maipamahagi sa 6,618 na pangunahing mamamayan sa lungsod at ang unang napagkalooban ay 700 miyembro mula sa mga barangay ng Gutad, Navotas, Nag-iba 1 at 2, Sta. Cruz, Buhuan, San Vicente, Sta. Maria Village at Camilmil.
Katuwang ng CSWD sa nasabing pamamahagi ang Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), mga kapitan ng barangay at mga kagawad ng Sangguniang Barangay upang maalalayan ang mga miyembro upang maayos na matatanggap ng mga Senior Citizens ang kanilang pension. (DN/PIA-OrMin/Thea Marie J. Villadolid/CIO)
Larawan sa itaas: Ipinagkaloob ng isang kawani ng CSWD sa isang senior citizen ang social pension matapos maantala ang pamimigay noong nakaraan taon. (Larawan kuha ng: Mayor Tita Malou Flores-Morillo Official Facebook Page)