Solar-powered Irrigation Project ng NIA sa Santa Maria, magagamit na

ODIONGAN, Romblon (PIA) — Mapapakinabangan na ng mga residente ng Sitio Agbuyong, Barangay Concepcion Sur sa Santa Maria ang Solar-Powered Irrigation project ng National Irrigation Administration (NIA).

Ito ay matapos na pormal na maiturn-over ng NIA sa lokal na pamahalaan ng Santa Maria ang proyekto na inaasahang makakatulong ng malaki sa mga magsasaka sa barangay lalo na ngayong inaasahan ng bansa ang epekto ng El Niño.

Pinangunahan ni Mayor Lorilie Fabon at Vice Mayor Roland Largueza ang turn-over ceremony sa nasabing proyekto.

Sa isang pahayag, sinabi ni Engr. Ramel Fabon, Municipal Agriculturist na matagal nang hinihiling ng sitio ang magandang irigasyon ngunit hindi kayang ipasok sa kanilang lugar ang isang multi-million irrigation project.

Pero sa tulong aniya nitong proyektong pinapaandar ng renewable energy ay naipakikita umano ng pamahalaan ang sinseridad nilang tulungan ang mga magsasaka.

Sinabi rin nito na inaasahan nila na magiging masagana na ang ani sa lugar at magkakaroon ng mataas na kita ang mga magsasaka sa munisipyo. (PJF/PIA Mimaropa-Romblon)


Nagpasalamat si Engr. Ramel Fabon sa National Irrigation Administration (INIA) sa proyektong makakatulong para mas maging masagana ang ani ng mga magsasaka ng bayan ng Santa Maria. (Photo courtesy of Engr. Ramel Fabon)

In other News
Skip to content