PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Ang Southern Palawan naman ang tututukan ngayon ng Department of Tourism (DOT) upang mapalago ang industriya ng turismo sa pamamagitan ng Palawan Philippine Experience Program (PPEP).
“When we say the Palawan Philippine Experience Program, it aims to have a cultural tourism circuit focusing on the heritage, culture, and the arts, in MIMAROPA we did it in Palawan,” ang pahayag ni DOT-MIMAROPA OIC-Regional Director Roberto P. Alabado III sa Kapihan sa Bagong Pilipinas nito Hulyo 9 na isinagawa sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Noong Abril 12, inilunsad ang “Pasyar Kita! Palawan Philippine Experience” sa pangunguna ni DOT Secretary Christina Garcia Frasco, kung saan ang Tabon Cave Complex na tinaguriang “The Cradle of Philippine Civilization” ang itinampok dito.
“Tabon Cave experience is very new right now, nakabukas na po ang National Museum dito, isang magandang-magandang museum about the Tabon Complex and it created new interest na naman para sa ating south of Palawan. Kasi sabi nila, lagi nalang ang north of Palawan ang nabibigyan ng pansin, so right now we’re looking at the south of Palawan and the PPEP last April was the start of that campaign to push people now to go to south Palawan,” dagdag na pahayag ni Alabado.
Ang Southern Palawan ay kinabibilangan ng mga munisipyo ng Aborlan, Narra, Quezon, Rizal, Bataraza, Brooke’s Point, Sofronio Espanola, at ang islang munisipyo ng Balabac.
Sinabi din ni Alabado na kasama ang Brooke’s Point sa 22 lugar sa bansa na tatayuan ng Tourist Rest Area (TRA) ngayong taon. Ito na ang magiging ikalawang TRA sa Palawan kung saan nauna nang nagkaroon nito ang bayan ng Roxas na pinasinayaan din noong Abril 12.
Ang TRA ang magsisilbing stop-over ng mga turistang tutungo o manggagaling sa mga tourist destination sa lalawigan. Mayroon itong WIFI, comfort rooms, information desk, restaurant at café na nagbibenta ng mga lokal na produkto at PWD friendly rin ito.
Kasama naman ang bayan ng Bataraza sa gaganaping Tourism Product Market Survey ng DOT sa Hulyo 21-27 upang malaman ang mga major ports and destination sa Palawan. Kasama rin sa pagsasagawaan ng survey ang Puerto Princesa City, Coron, El Nido at San Vicente.
Binanggit din ni Alabado na tuloy-tuloy ang kanilang isinasagawang invitational media and tour operators familiarization tour upang mas lalo pang ma-promote ang mga tourist destination sa buong MIMAROPA. (OCJ/MIMAROPA-Palawan)