SP CamNorte, inalam sa LTFRB ang estado ng fuel subsidy sa mga tricycle driver

DAET, Camarines Norte, Enero 27 (PIA) – Hiniling ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pamamagitan ng resolusyon ang tungkol sa estado o update tungkol sa fuel subsidy para sa mga traysikel drayber sa lalawigan.
Ito ay matapos aprubahan sa Sangguniang Panlalawigan (SP) ang ipinasang resolution ni Bokal Artemio Serdon Jr., Committee on Mining Environment at Agriculture na may akda ng naturang kahilingan.

Layunin nito na malaman ang impormasyon sa kalagayan ng fuel subsidy para sa mga tricycle driver sa lahat ng munisipalidad sa Camarines Norte sa ilalim ng Pantawid Pasada Program.

Ayon kay Bokal Serdon, nais din nilang  malaman kung magkano ang maaaring matanggap ng mga benepisyaryo at impormasyon tungkol dito.

Naging batayan ng resolusyon sa pagbibigay ng fuel assistance sa mga kwalipikadong tricycle driver na pawang mga apektado ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa patuloy na labanan ng Russia at Ukraine.

Batay sa Memorandum Circular No. 2022-047 o Pantawid Pasada Program na inilabas ng DILG , ang pamamahagi o pagbabayad ng fuel subsidy sa mga kwalipikadong benepisyaryo ay magiging responsibilidad ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB.

Nakasaad rin sa resolusyon na alinsunod sa general welfare clause sa ilalim ng Local Government Code, ang sanggunian ay may kapangyarihan at tungkulin na harapin ang mga bagay na nauukol sa kapakanan ng mga nasasakupan nito katulad ng mga tricycle drivers. (PIA5/Camarines Norte)

In other News
Skip to content