Special Non-working Holiday ngayong Hunyo 23 sa Palawan

Special Non-working Holiday ngayong Hunyo 23 sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Special non-working public holiday o walang pasok sa lahat ng pampublikong tanggapan at eskuwelahan ngayong Hunyo 23 sa buong Lalawigan ng Palawan kasama na ang Lungsod ng Puerto Princesa.

Ito ay alinsunod sa Republic Act 9748 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Nobyembre 10, 2009 upang bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan ng lalawigan at lungsod na makiisa sa paggunita ng araw ng pagkakatatag ng Gobyerno Sibil ng Palawan.

Ngayong Hunyo 23 ay ang ika-121 taon ng anibersayo ng Gobyerno Sibil ng Palawan kung saan ito ang dahilan kung bakit may selebrasyon ng Baragatan sa Palawan Festival.

Pangunahing tampok na aktibidad kaugnay ng pagdiriwang na ito ay ang Mutya ng Palawan na ginanap ang Grand Coronation Night kagabi kung saan itinanghal na Mutya ng Palawan 2023 si Mutya ng Kalayaan Shara Maxine Barber.

Ang iba pang nagwagi ay sina Mutya ng Taytay Shery Shane Igpalina bilang Mutya ng Turismo; 1st Runner Up naman si Mutya ng Quezon Xianne Caileigh Francisco.

Hinirang naman bilang Mutya ng Palawan South si Mutya ng Sofronio Española Bernadette Thalia Abdulkahal at Mutya ng Palawan North si Mutya ng Roxas Patricia Loren Muñoz.

Isa pa sa pinaka-inaabangang aktibidad sa Baragatan sa Palawan Festival ay ang Saraotan Sa Dalan o Street Dancing Competition na muling matutunghayan ng mga manonood na isasagawa sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Lungsod ng Puerto Princesa. (OCJ/PIA-Palawan)


Ang mga Mutya na kinoronahan sa Mutya ng Palawan 2023 kung saan si Mutya ng Kalayaan Shara Maxine Barber (gitna) ang itinanghal na Mutya ng Palawan 2023. (Larawan mula sa PIO-Palawan)

In other News
Skip to content