Special Satellite Registration sa Puerto Princesa, binisita ni COMELEC Chair George Garcia

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Personal na inobserbahan ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Atty. George Erwin Mojica Garcia ang isinagawang Special Satellite Registration ng COMELEC-Puerto Princesa para sa mga vulnerable sector.

Nitong Enero katorse, 2023 isinagawa ang pagrerehistro ng mga Indigenous Peoples/Indigenous Cultural Communities (IPs/ICCs) sa covered court ng Bgy. Concepcion.

Ang Special Satellite Registration na isinagawa ng COMELEC-Puerto Princesa na nagsimula noong Enero 9 para sa mga vulnerable sector tulad ng kababaihan, kabataan, senior citizens, mga may kapansanan, persons deprived of liberty (PDL) at mga katutubo ay kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.


Ang isinagawang Special Satellite Registration ng COMELEC-Puerto Princesa City para sa mga vulnerable sector nitong Enero 14, 2023 sa Covered Court ng Bgy. Concepcion na personal na inobserbahan ni COMELEC Chair George Garcia. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ayon kay COMELEC Chair Garcia, nais nila na makapagrehistro ng mga botante ng hanggang dalawang milyon mula December 2022 hanggang January 31, 2023 sa buong bansa, kung kaya’t isinasagawa ang mga special satellite registration upang walang maging dahilan na hindi makapagrehistro at walang dahilan para hindi makaboto ang mga mamamayan.

Bagaman nitong mga nakaraang linggo aniya ay mababa ang resulta ng isinasagawang continuing voter’s registration ngunit umaasa ito na sa huling linggo ay marami na ang magpaparehistro.

“Naniniwala naman po ako, alam n’yo lagi po sa karanasan ng COMELEC, basta isang linggo bago matapos ang registration, diyan dinudumog, diyan pagkahaba-haba ng pila. Nauulanan, naiinitan, at dahil diyan minsan nasisisi tuloy ang COMELEC. Pero pasensiya na po hindi po siguro kami masisisi ngayon dahil napakaaga pa lamang kami po ay umiikot, sobra po ang announcement at ang education at information na ginagawa ng amin pong Information and Education Department, kasama na po diyan ang pakipag-ugnayan namin sa LGU at sa iba’t-ibang sektor,” ang pahayag ni Atty. Garcia.

Binanggit din nito na kasabay ng ‘continuing voter’s registration’ ay mayroon ding inilunsad na Register Anywhere Program (RAP) ang COMELEC.

Maliban sa Metro Manila ay may ilang sample na rin ang RAP sa Region 5 at Region 8 kung saan ang mga taga-probinsiya ay hindi na kailangan pang umuwi sa kanilang mga lugar para lamang makapag-rehistro.

“Ibig sabihin kahit kayo’y taga-Puerto Princesa, doon kayo sa Maynila nakatira kaysa uuwi ka dito sa Puerto Princesa o kahit sa anong bayan sa Palawan, doon sa Metro Manila meron po tayong satellite, ‘yong RAP namin, puwede kang magparehistro, kami na po ang bahalang mag-proseso at magpadala ng registration nyo sa Puerto Princesa o sa Palawan,” dagdag na pahayag ni Atty. Garcia.

On-going din aniya, ang registration overseas, ito ay nagsimula noong Disyembre 9, 2022 at magtatapos sa Disyembre 31, 2024.

Kasama rin ni Chairman Garcia na bumisita sa Puerto Princesa sina Commissioner Rey E. Bulay, ang Commissioner In-Charge ng Barangay and SK Elections; Commissioner Nelson J. Celis, Commissioner In-Charge sa Election Summit at Commissioner Ernesto Ferdinand P. Maceda Jr., Commissioner In-Charge sa Vote Buying. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

In other News
Skip to content