LEGAZPI CITY, Albay (PIA)–Katuwang ang Social Security System (SSS) sa panahon ng kagipitan, lalo na sa oras ng pagkakasakit, aksidente o kalamidad kaya’t mahalaga ang pagbabayad ng tapat at sapat ng kontribusyon.
Ito ang muling paalala ni SSS Legazpi Attorney III Ma. Charissa Oliver-Velasco sa mga employers ukol sa kanilang obligasyon na bayaran ang kontribusyon ng kanilang mga manggagawa.
“The employees and employer should not consider their contributions as expense but as additional protection. Consider it an aid of the SSS,” pahayag ni Velasco.
Kamakailan lamang ay binisita ng SSS ang pitong employers mula sa Guinobatan, Albay na may violations sa kanilang mga obligasyon bilang bahagi ng SSS Run Against Contribution Evaders (RACE) campaign.
Ayon kay Velasco, layunin nitong mahikayat ang mga employers na gawin ang kanilang obligasyon lalo na ang pag-remit ng SSS contributions ng kanilang mga empleyado alinsunod sa Republic Act No. 11199 o Social Security Act.
Nasa 48 employees ang inaasahang matutulungan ng nasa P420,000 expected collectibles mula sa mga delinquent employers.
Kabilang sa violations ng mga employers ang non-remittance of contributions, non-registration at non-reporting of employees.
Para kay Deib Sulit, manggagawa mula sa Camalig Albay, mahalaga ang tama at napapanahong pagbayad ng SSS contribution upang magamit ang mga benepisyo bilang SSS member sa oras ng pangangailangan.
“Nagsimula akong kumuha nung ako ay magsisimula pa lamang. Nakakatulong ito sakin sa mga pagkakataong may emergency at kapag ako ay nagretiro, magsisilbing pondo rin ang aking contributions,” pahayag ni Sulit.
“Mahalaga ang SSS para sakin dahil sila ang nagbibigay ng proteksyon at benepisyo sa mga oras ng pangangailangan,” dagdag niya.
Para sa iba pang detalye ukol dito, makipag-ugnayan lamang sa mga SSS offices sa inyong lugar. (With report from Raiza Lucido/PIA Albay)