SSS-Palawan nagbabala sa mga hindi nagbabayad ng benipisyo ng kanilang mga tauhan

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Nagbigay ng babala ang Social Security System (SSS)-Palawan Branch sa mga may ari ng mga establisyemento na hindi nagbabayad ng benepisyo ng kanilang mga tauhan.

Nitong huling linggo ng Abril 2023 ay kasama ang SSS-Palawan sa malawakang “Run After Contribution Evaders” (RACE) na isinagawa ng SSS sa buong bansa kung saan siyam na establisyemento sa Lungsod ng Puerto Princesa ang personal na tinungo ng mga kawani ng SSS-Palawan upang bigyan ng kautusan na bayaran ang kanilang mga obligasyon partikular na ang SSS contributions ng kanilang mga tauhan.

Binigyan ang mga ito ng 15 araw upang tupdin ang nasabing kautusan at nang hindi na ito umabot pa sa korte.

Ipinaliwanag din ng mga kawani ng SSS-Palawan sa pangunguna ni Branch Manager Abdultalib A. Abirin na may mga programa ang SSS na maaaring i-avail upang mapagaan ang kanilang bayarin tulad na lamang ng “contribution penalty condonation” at “delinquency management and restructuring program.”

Ayon kay Abirin, ang RACE ay isang gawain upang mabigyan ng babala ang lahat ng mga establisyemento o mga employer na dapat na sundin ng mga ito ang kanilang mga obligasyon sa kanilang mga tauhan, ayon na rin sa nakasaad sa Republic Act 11199 o ang Social Security (SS) Act of 2018.

Sinabi rin nito na maliban sa Lungsod ng Puerto Princesa ay marami pang establisyemento sa iba’t-ibang munisipyo sa Palawan ang ‘delinquent’ pagdating sa SSS contribution ng kanilang mga empleyado.

Ngayong taon ani Abirin ay tatlong RACE activity ang kanilang gagawin sa Palawan at maaring ang ikalawa nito ay gagawin sa bayan ng El Nido.

Kasama ng SSS-Palawan sa kanilang RACE activity ang Philippine Information Agency (PIA)-Palawan, City Information Office ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, ang Business Processing and Licensing Office, at mga media. (OCJ/PIA-Palawan)


Ipinaliwanag ng mga kawani ng SSS-Palawan sa pangunguna ni Branch Manager Abdultalib A. Abirin na may mga programa ang SSS na maaaring i-avail upang mapagaan ang kanilang bayarin tulad na lamang ng ‘contribution penalty condonation’ at ‘delinquency management and restructuring program.’ (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

In other News
Skip to content