PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Nagbigay ng paala-ala ang Social Security System (SSS) Palawan sa mga may-ari ng mga establisyemento o mga employer sa lungsod na lumalabag sa Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018, partikular na ang hindi pagbabayad ng benepisyo sa kanilang mga tauhan.
Binisita ng SSS ang nasa sampung establisyemento sa lungsod upang paalalahanan ang mga ito sa kanilang obligasyon sa pamamagitan ng Run After Contribution Evaders (RACE) noong Nobyembre 29.
Pinangunahan ito nina SSS-Palawan Branch Head Abdultalib A. Abirin at Asst. Branch Head Zenia S. Delcoro, ang isinagawang SSS-‘Run After Contribution Evaders’ o RACE sa Lungosd ng Puerto Princesa nitong Nobyembre 29, 2023. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)
Pinangunahan ito nina SSS-Palawan Branch Head Abdultalib A. Abirin at Asst. Branch Head Zenia S. Delcoro, kasama rin ang mga kinatawan ng Business Permit and Licensing Office ng pamahalaang panlungsod ng Puerto Princesa sa pamumuno ni Thess Rodriguez at ang kinatawan ng Philippine Information Agency (PIA) Palawan.
Sa sampung establisyemento na natukoy, anim sa mga ito ang may paglabag sa non-registration, dalawa ang may paglabag sa non-production at dalawa rin ang may paglabag sa non-remittance.
Binigyan ang mga ito ng 15 araw upang ayusin ang kanilang mga obligasyon at nang hindi na ito umabot pa sa korte.
Ipinaliwanag din ng mga kawani ng SSS-Palawan sa mga programa ng SSS na maaaring i-avail upang mapagaan ang kanilang bayarin tulad na lamang ng contribution penalty condonation at delinquency management and restructuring program. Ito na ang ikalawang RACE activity sa lungsod at isa naman sa El Nido para sa taong 2023. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)