LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Pinangunahan ng Social Security System (SSS) ang “Nationwide Registration Day” na may temang “Be future ready, Be an SSS member today!” na isinagawa sa Mangyan Hall, Kapitolyo ng Oriental Mindoro nitong Lunes, Hulyo 15.
Sinabi ni SSS Calapan branch head Imelda Familaran, “Hindi lamang dito sa lungsod isinagawa ang naturang aktibidad kundi sabayan itong ginaganap sa buong bansa upang hikayatin ang mga hindi pa miyembro na magparehistro na para mapakinabangan ang mga benepisyo nito sa hinaharap.”
Ayon pa kay Familaran, bukas ang programa sa lahat ng indibidwal, may trabaho man o wala, naglilingkod sa mga tanggapan ng pamahalaan o mayroong pinapatakbong negosyo na maghulog ng kanilang kontribusyon upang sa hinaharap ay kanila itong magamit lalo na sa pagsapit ng kanilang pagreretiro.
Iba’t ibang serbisyo rin ang kanilang isinagawa sa nasabing gawain gaya ng pagpaparehistro ng mga bagong miyembro, pag-update sa member data ng kasalukuyang miyembro, pagpapalit ng estadong sibil, pagpapalit ng password, generation of payment reference number, benefit claim application at marami pang iba.
Isinusulong din ng SSS ang programang “MySSS Pension Booster” na binubuo ng dalawang retirement savings scheme para sa mga kasapi bilang mandatory at boluntaryo. Ang mandatory scheme na dating tinatawag na Workers’ Investment and Savings Program (WISP) ay inilunsad noong Enero 2021 habang ang voluntary scheme o dating WISP Plus ay inilunsad noong Disyembre 2022.
Ayon sa SSS, layunin ng dalawang programa na himukin ang mga miyembro na mag-ipon para sa kanilang pagreretiro at magsisilbi rin na karagdagang benepisyo kalakip ng monthly pension mula sa retirement benefit sa ilalim ng regular na SSS program. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)